Home Headlines Nanay Gov, PCSO naghatid ayuda sa mga mangangalakal

Nanay Gov, PCSO naghatid ayuda sa mga mangangalakal

159
0
SHARE

LUNGSOD NG SAN FERNANDO“Dugo at pawis ang puhunan nila…sila ang tunay na bayani ng lansangan.”

Ito ang nasambit ni Gov. Lilia “Nanay” Pineda sa ginawang “scavengers’ assembly” ng pamahalaang panlalawigan ng Pampanga at ng Philippine Charity Sweepstakes Office nitong Miyerkules sa Bren Z. Guiao Convention Center sa lungsod nai to.

“Hindi alintana ang init, amoy, o pagod. Araw-araw, sa ilalim ng araw at ulan, patuloy sa pagpulot ng basura ang mga mangangalakal upang may maiuwing pagkain sa kanilang pamilya. Kaya nararapat lamang na sila ang unang kalingain,” ani Nanay Gov.

Sa isinagawang pagtitipon, muling ipinadama ng pamahalaang panlalawigan katuwang ang PCSO ang malasakit para sa 1,485 na mga mangangalakal mula sa iba’t ibang bayan.

Tig-₱2,000 na cash assistance ang natanggap nila mula sa Kapitolyo at Pampanga Public Employment Service Office na may kabuuang halagang ₱2,972,000.

Hindi lamang pera ang hatid, binigyan din sila ng PCSO ng “Charitimba” food packs at libreng tig-sampung kilong bigas mula sa Kadiwa ng Pangulo at libreng maintenance medicines ang ipinaabot ni Nanay Gov bilang baon pauwi sa kanilang mga tahanan.

Maging si PCSO director Jennifer Guevara ay humanga sa natatanging pagkalingang ito.

“Sa dinami-rami ng inikutan ko sa buong bansa, ito po ang kauna-unahang pagkakataon na nakapaghatid kami ng tulong sa mga scavengers. Nakakatuwa po na hindi sila nakakalimutan dito sa Pampanga,” pahayag ni Guevara.

Nagpahayag din ng malasakit at suporta sina 1st District board members Christian Halili at Cherry Manalo; 2nd District board members Fritzie David-Dizon, Sajid Eusoof, at Atty. Claire Lim; at 4th District board member Kaye Naguit.

Kaantabay rin sa buong-lakas na pagtulong sina Pampanga PESO manager Luningning Vergara, PSWD officer Fe Manarang, PMTC head Wilmie Nichols, provincial agriculturist Jimmy Manliclic, at Atty. Jun Canlas ng Nanay Partylist.

Gerald Gloton/Pampanga PIO

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here