Home Headlines Nagtitinda ng parol dumalang dahil sa pandemya

Nagtitinda ng parol dumalang dahil sa pandemya

1415
0
SHARE

Kumukutitap na ang mga tinitindang parol sa Malolos sa pagpasok ng Ber months. Ngunit dumalang ang tindero dahil sa pandemya kumpara ng nakaraang mga taon. Kuha ni Rommel Ramos



LUNGSOD NG
MALOLOS — Dumalang kung ikukumpara sa nakaraang mga taon ang bilang ng mga nagtitinda ng parol sa pagpasok pa lang ng Ber months.

Sa kahabaan ng MacArthur Highway sa Malolos ay iisa pa lamang ang nagtitinda ng parol sa panahon ngayon na dati ay hindi bababa sa lima ang makikitang tindahan dito ng parol.

Dati ay nagsasayawan na ang mga ilaw sa gilid ng kalsada ilang araw bago pumasok ang buwan ng Setyembre.

Naapektuhan daw kasi ng pandemya ang kanilang mga negosyo ng parol dahil sa mga nawalan ng trabaho at hindi nakalalabas ang mga tao.

Ayon sa may-ari ng tindahan ng parol sa Malolos na si Cris Baluyot, buong taon silang gumagawa para makapagstock ng maibebenta sa panahon ng kapaskuhan.

Ngunit humina ang kanilang negosyo dulot ng pandemya kayat sinisikap nilang magtinda at nagbakasakali na gumanda pa ang kita.

Sa ngayon ay nasa mahigit isang linggo na silang nagsimulang magbenta sa gilid ng highway at nasa isa hanggang dalawang parol ang kanilang naibebenta kada araw.

Umaasa sila na habang papalapit na ang Disyembre ay lalakas ang kanilang kita.

Dumalang din ang tindero ng parol sa Lungsod ng San Fernando, Pampanga na tinaguriang Lantern Capital of the Philippines.

Ganoon din ang kwento ng tindero ng parol sa San Fernando na si Albert Madriaga na matumal pa ang bentahan ng parol sa ngayon kumpara ng parehong mga araw ng nakaraang taon.

Doble ang inihina ng kanilang bentahan dahil sa ngayon ay nakakabenta lamang sila ng isa hanggang dalawang piraso sa maghapon. Ngunit dahil kakasimula pa lamang naman ng Ber months ay umaasa siya na lalakas pa ang kanilang benta sa mga susunod na linggo.

Dati ang mga tindahan dito sa kahabaan ng JASA road ay tabi-tabi ngunit ngayon ay sila pa lamang ang nagtatayo.

Samantala, ang mga disenyong parol ay mga gawa sa capiz na may belen sa gitna, mga LED lights rin na disenyong reindeer na hinihila si Santa Claus.

Meron din mga umiilaw na mga bulaklak na maaring ilagay sa mga garden na kumukutitap at sumasayaw dahil sa ibat ibang kulay.

Hindi naman tumataas ang presyo nito na naglalaro mula P1,000 hanggang P4,000 o higit pa dependa sa laki, disenyo at klase ng bibilhin na parol. 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here