Home Headlines Mula sa lansangan hanggang pamahalaan: Isulong ang Caretaker Reform Government!

Mula sa lansangan hanggang pamahalaan: Isulong ang Caretaker Reform Government!

130
0
SHARE

ANG LABAN kontra korapsyon ay hindi nagtatapos sa kalsada. Kailangang isulong ng mamamayan ang Transitional Reform Government – isang pansamantalang gobyernong maglilinis, magpapanagot, at magtatatag ng bagong sistemang demokratiko para sa bayan, hindi para sa iilan.

Isang Roadmap Tungo sa Malinis, Tapat, at Pananagutan sa Pamahalaan

  1. Bakit Kailangan ang Isang Caretaker Reform Government

Matagal nang binubulok ng malawakang korupsiyon ang ating lipunan. Sa bawat antas ng pamahalaan – mula sa pinakamataas na opisina hanggang sa pinakamababang ahensya – may mga opisyal na patuloy na nagnanakaw sa kaban ng bayan. Ang pondong dapat ay para sa edukasyon, kalusugan, imprastraktura, at sakuna ay nauuwi sa bulsa ng iilan.

Habang nananatili sa puwesto ang mga sangkot sa pandarambong, walang tunay na reporma ang magtatagumpay. Lalo pang nakakalungkot na ang mga institusyong dapat magpanagot – ang Kongreso, Ehekutibo, at maging ang ilang bahagi ng Hudikatura – ay nadungisan din ng kapangyarihan at kasabwat ng katiwalian.

Dahil dito, kailangang igiit ng sambayanan ang kapangyarihang ipinagkaloob sa kanila ng Saligang Batas upang mapayapang mailipat ang pamumuno – mula sa bulok at tiwaling rehimen tungo sa Caretaker Reform Government na maglilinis, magbabalik ng tiwala, at magtatag ng tunay na demokrasya.

  1. Mandato ng Caretaker Government

Ang Caretaker o Transitional Reform Government ay magiging pansamantalang, di-partidista, at makabayang pamunuan na ang tanging layunin ay:

1.Linisin ang pamahalaan at litisin ang lahat ng kasangkot sa pagnanakaw sa kaban ng bayan at bawiin ang nakaw na yaman;

2.Ibalik ang tiwala at integridad sa mga institusyon ng gobyerno; at

3.Ihanda ang bansa sa mga reporma at sa malinis na halalan sa ilalim ng bagong sistemang pampulitika.

Hindi ito pamalit na diktadura o permanenteng pamahalaan. Ito ay tulay mula sa lumang bulok na sistema patungo sa isang panibagong demokratikong kaayusan.

III. Komposisyon at Paraan ng Pagpili

  1. Mga Kasapi: Binubuo ng kagalang-galang, makabayan, at hindi tiwaling mga lider mula sa simbahan, akademya, civil society, manggagawa, negosyante, kababaihan, kabataan, mga makabayang Alagad Ng Batas na may malinis na rekord sa panunungkulan (PNP retirado or aktibo pa serbisyo at may ganoon ding rekord mula sa mga piling opisyales ng Sandataang Lakas (AFP) at mga repormistang lingkod-bayan.

-Walang kasalukuyang halal na opisyal o sinumang iniimbestigahan sa kaso ng katiwalian ang maaaring mapabilang.

-Dapat may rehiyonal at sektor na representasyon upang marinig ang tinig ng lahat ng mamamayan.

2.Paraan ng Pagpili:

-Bubuuin ang isang National People’s Council na binubuo ng mga kinatawan mula sa simbahan, propesyonal, akademya, at iba’t ibang sektor.

-Ang mga nominadong kasapi ay ipapahayag sa publiko at daraan sa masusing beripikasyon ng mga independent watchdog group.

3.Panahon ng Panunungkulan:

-Hindi lalampas sa 18 hanggang 24 buwan, at hindi maaaring palawigin.

-Matatapos ang tungkulin sa oras na maihalal at maitalaga ang bagong pamahalaan sa ilalim ng mga repormadong tuntunin.

  1. Kapangyarihan at mga Limitasyon
  2. Kapangyarihan:

-Pansamantalang gampanan ang tungkulin ng Ehekutibo.

-Magsagawa ng komprehensibong imbestigasyon at audit sa lahat ng kaso ng katiwalian.

-Ipatigil o sibakin ang mga opisyal na mapatutunayang sangkot sa pandarambong.

-Itaguyod ang mabilis na prosekusyon ng mga kasong korupsiyon at pagbawi ng nakaw na yaman.

-Magpatupad ng agarang hakbang para sa katatagan ng ekonomiya at kapakanan ng mamamayan.

-Magpatawag ng isang People’s Reform Assembly upang talakayin at ipanukala ang mga estratehikong reporma.

  1. Mga Limitasyon:

-Walang karapatang manatili o palawigin ang panunungkulan.

-Walang karapatang baguhin ang Konstitusyon nang walang malawak na partisipasyon ng taumbayan.

-Bawal ang mga appointment o kontratang magpapayaman sa mga kasapi.

-Lahat ng kilos at pondo ay dapat bukas sa publiko at ina-audit ng mga independent body.

  1. Mga Prayoridad na Reporma sa Panahon ng Transisyon

1.Laban sa Korupsiyon

-Ganap na pagbubunyag ng lahat ng kontrata, budget, at audit report.

-Mabilis na pagsasampa ng kaso laban sa mga sangkot sa pandarambong.

-Proteksyon sa mga whistleblower at partisipasyon ng mamamayan sa auditing.

-Pagbawi ng nakaw na yaman sa loob at labas ng bansa.

2.Repormang Pampulitika at Halalan

-Pagpasa ng Anti-Political Dynasty Law at Campaign Finance Reform Act.

-Pagsasabatas ng Freedom of Information (FOI) at Political Party Reform.

-Pagwawakas sa sistemang “pork barrel” at mga “ghost project.”

3.Reporma sa Burukrasya

-Batay sa merito ang promosyon at pagtatalaga sa serbisyo sibil.

-Depolitization ng militar, pulisya, at hudikatura.

-Rebyu sa lahat ng kontratang may bahid ng katiwalian.

4.Pang-ekonomiya at Panlipunang Katarungan

-Ituon ang yaman ng bayan sa agrikultura, edukasyon, kalusugan, at kahandaan sa kalamidad.

-Palakasin ang LGUs at mga kooperatiba bilang katuwang sa lokal na pag-unlad.

-Paigtingin ang proteksyon para sa mahihirap, magbubukid, manggagawa, at maralitang komunidad.

  1. Mga Pananggalang Laban sa Pang-aabuso

-Independent Citizens’ Oversight Commission na mag-uulat sa publiko kada tatlong buwan.

-Hotline at Open Database para sa transparency ng mga kaso at paggastos.

-Automatic resignation clause: sinumang kasapi na masangkot sa katiwalian ay agad tatanggalin at iimbestigahan.

-Regular na People’s Assemblies sa iba’t ibang rehiyon upang masuri ng mamamayan ang progreso.

VII. Paglipat Tungo sa Bagong Pamahalaang Demokratiko

Sa pagtatapos ng mandato, tungkulin ng Caretaker Government na:

1.Magsagawa ng malaya, malinis, at tapat na halalan sa ilalim ng mga repormadong patakaran.

2.Isalin ang kapangyarihan sa bagong halal na pamahalaan.

3.Ipatupad ang mga repormang institusyonal sa pamamagitan ng batas o constitutional amendments.

4.Maglabas ng Final Transition Report bilang ulat sa sambayanan.

VIII. Panawagan sa Lahat ng Pilipino

Marapat na manawagan sa lahat ng makabayang Pilipino – manggagawa, magsasaka, propesyonal, kabataan, negosyante, taong simbahan, at mga tapat na kawani ng gobyerno –na magkaisa sa ilalim ng panawagang “Malinis na Pamahalaan, Makatarungang Reporma, at Kapangyarihan ng Bayan.”

Huwag tayong manahimik. Huwag tayong matakot.

Ang katiwalian ay hindi tadhana – ito ay kasalanan sa bayan na kailangang wakasan.

Ang ating layunin ay hindi kaguluhan, kundi paglilinis.

Hindi paghihiganti, kundi reporma.

Hindi bagong diktador, kundi bagong Republika ng Mamayang Pilipino

“Tunay na Reporma, Tapat na Pamahalaan, Para sa Bayan.”

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here