Home Headlines Mula Canada: 345 Pinoy seafarers lumapag sa Clark

Mula Canada: 345 Pinoy seafarers lumapag sa Clark

896
0
SHARE

Sinalubong ng ibat-ibang ahensya ng gobyerno ang mga seafarers na lumapag sa Clark airport kanina. Kuha ni Rommel Ramos


CLARK FREEPORT — Dumating na sa bansa ang 345 seafarers mula sa Royal Caribbean International, Vancouver, Canada at lumapag sa Clark International Airport kaninang 11:45 ng umaga.

Gaya ng naunang 265 na mga OFW na dumating din ng bansa kahapon na galing ng Dubai ay idinaan din sa health protocols ang mga seafarers gaya ng mga beripikasyon at pag fill-up ng forms.

Ang lahat ay hindi muna papayagan na makauwi sa kani-kanilang mga lugar at sumailalim din muna sa swab testing para masiguro na walang sakit na Covid-19 ang mga ito.

Ang swab test ng mga ito ay dadalhin naman sa Jose B. Lingad Memporial Regional Hospital at sa sandaling lumabas na ang resulta na inaasahang makukuha sa loob ng 48-oras, maaari nang makauwi sa kani-kanilang mga bahay ang magnenegatibo habang ang magpopositibo ay ika-quarantine ng 14 araw sa isang government quarantine facility.

Habang naghihintay pa ng resulta ng test ay mananatili muna sila sa mga hotel na nasa loob ng Clark na sagot naman ng pamahalaan ang lahat ng gastusin.

Masaya naman ang mga seafarers dahil nakauwi na sila ng Pilipinas matapos ang tatlong buwan na pagkaka-lockdown.

Bagamat sabik nang makauwi sa kanilang mga pamilya ay nauunawaan naman nila kung bakit kinakailangan na sumailalim muna sila sa mga health protocols dahil para din naman daw iyon sa kaligtasan ng kanilang pamilya.

Mas mainam naman daw iyon para maseguro na wala silang coronavirus at mas mabilis naman ang proseso ngayon kumpara ng nakaraang mga repatriates na sumasalang pa sa 14-day mandatory quarantine bago pinauwi.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here