IBA, Zambales — Isinusulong ng DepEd–Zambales ang modular Instruction kapalit sa online learning na nauna nang iminungkahi na gagamitin ng mga mag-aaral ngayon panahon ng pandemic sa buong lalawigan.
Ayon kay Zambales school division superintendentLeonardo Del Rodario Zapanta, modular ang kanilang pinili na paraan ng pagtuturo sa mga mag–aaral dahil may mga Aeta ding nag–aaral at ang iba naman ay nasa island schools.
Ayon kay Zapanta, batay sa ginawang regional management meeting mataas ang modular sa buong Region lll.
Sinabi ni Zapanta na sa mga barangay hall iiwanan ang mga module at hihingi sila ng tulong sa Liga ng mga Barangay at Sangguniang Kabataan na siyang makakatulong para ipamahagi sa mga estudyante ang module. Ang module ay muling ibabalik sa barangay para kunin muli ito kung saan school ito nagmula upang ma-check ng guro na nakatalaga kung tama ang ginawa ng estudyante.
Batay sa talaan ng DepEd sa buong Zambales mula June 5, umaabot na sa 33,000 ang mga nagpa-enroll mula sa Elementary at high school at inaasahan pa itong lolobo at aabot sa 200,000.
Samantala, pinag-aaralan pa ng DepEd kung sa isang barangay na itinuturing na Covid–free ay papayagan ang “face to face” learning kung aprobahan ito ng inter-agency task force.