Mga leksiyon sa Hilera

    318
    0
    SHARE
    Hilera. Isa itong malayong barangay sa bayan ng Jaen, Nueva Ecija.

    Karaniwang barangay na karamihan ay nabubuhay sa pagsasaka. Sa mga karaniwang nagpapasyal, hindi gasinong pinupuntahan ang barangay na ito sa dahilang wala namang ibang katangi-tanging bagay na makikita sa buong barangay. 

    Ang totoo pa nga, mahirap puntahan ang barangay na ito. Kung tag-ulan ay maputik ang munting kalsada na patungo sa lugar na ito. Kung tag-araw naman  ay maalikabok. May walong kilometro ang layo nito sa kabayanan na ang dalawang kilometro ay mula sa pangunahing daan

    Siyempre, ang madalas na nagyayao’t parito sa barangay na ito lalo na ngayong pasukan ay ang ilang mga guro na nakatira sa ibang lugar. May paaralang elementarya sa barangay na ito na umaabot sa 230 ang mag-aaral at may isang klase sa “kinder”.

    Mayroon lamang 1,600 ang kabuuan ng naninirahan sa barangay na ito.



    Ang nakagugulat ay ang pangyayaring naging sentro ng balita ang barangay na ito. Napatala ito sa kasaysayan ng bansa bilang tanging barangay na ipinahayag ng Department of Health na nagkaroon ng “community level” na biglang paglitaw o pagdapo ng “A(H1N1) virus” na una’y tinawag na “swine flu”. May 20 ang nakumpirmang naging positibo sa pagdapo ng virus at 83 naman ang may karamdamang katulad ng sa karaniwang flu.

    Nagsimula ang problema ng 22 sa 29 na mag-aaral sa ika-anim na baytang ay sabay-sabay na lagnatin. Sinuspinde ang klase sa Hilera Elementary School dahil dito. Nadagdagan pa ang nagkasakit na mga bata, ipinalalagay na nahawa sa iba.

    Nguni’t bumuti ang kanilang lagay. Binuksang muli ang klase. Noon pala, ang mga batang nagkasakit ay ginawan ng “throat swab” at ipinasuri sa laboratoryo ng DOH. Bigla, lumabas ang balita na 10 batang mag-aaral ang positibo sa H1N1 virus. Muling sinuspinde ang klase. Sa paglipas pa ng ilang araw, nadagdagan pa ang natuklasang naging positibo sa virus o mikrobyo.



    Mayroong mga leksyon na makukuha sa nangyari sa Hilera.

    Bagama’t naging “banner headline” sa mga dyaryo at tinalakay sa radyo at telebisyon ang balita sa Hilera, hindi nagkaroon ng malakihang pagkatakot at pagkakagulo ang mga taga-Hilera. Kalmado sila. Nakinig sila sa paliwanag ng mga doktor at sinunod nila ang bagay na dapat nilang gawin.

    Karamihan sa kanila ay magaling na. Ang iba nama’y patungo na sa paggaling.

    Ang totoo, wala isa man sa kanila ang nasa kalagayang nabingit sa kamatayan. Ang nasa isip kasi ng mga nakarinig ng balita ay grabe ang naging lagay ng mga tao sa Hilera.

    Ang nakikita nating kabutihan  sa nangyari sa Hilera ay naging maagap na sumaklolo ang mga doktor, narses at iba pang mga tauhan sa tanggapang pampamahalaan sa kalusugan. Nagbantay sila sa Hilera. Pinuntahan nila sa bahay-bahay ang mga pasyente at binigyan ng gamot at bitamina. Naging maagap din sila sa pagbibigay ng tamang impormasyon sa mga taga-Hilera.

    Tumulong din ang taga-barangay. Ang kapitana  na si Gng. Julita Hermosa at iba pang mga opisyales ng barangay. Ang principal ng paaralan na si G. Ruperto, gayun din. Ang alkalde ng bayan na si Mayor Santy Austria.  Sumasama sila sa paglilibot sa bahay-bahay at sa pagpapaliwanag sa mga tao.

    Nandoon din sila sa “command post” sa paaralan at sila’y tumutulong. Naggagayak ng pagkain at nakahanda lagi sa boluntaryong paglilingkod.

    Wala kaming nakitang “nagpapa-star” o kaya’y kumikilos para maging popular sa paglilingkod sa mga taga-Hilera.

    Ang totoo pa nga, umiiwas magsalita sa media ang mga doktor at iba pang mga personahe. Ang lagi na lang nilang sinasabi ay sa “DOH” na lang po kayo kumuha ng balita o impormasyon.



    Ang malaking aral ay ang sinabi ni Gob. Aurelio Umali ng Nueva Ecija.

    “Nasa backseat lang ako. Hindi ako nakialam sa dapat gawin ng aking provincial health officer at ng iba pang mga pinuno ng kalusugan. Sila ang nakaaalam ng dapat gawin. Sila lang dapat ang “may isang tinig” sa problema. Sila kasi ang nakaalam ng problema. Pero lagi akong nakahanda sa kung ano ang dapat itulong ng pamahalaang panlalawigan.”

    Oo nga naman, di ba? Kadalasan kasi, ang mga lider kapag may ganitong problema ay kaliwa’t kanan ang pagbibigay ng pahayag lalo na sa media. Nagpapa-pogi, kung baga, para maging “star” sa mga tao. Pero gumugulo ang problema dahil sa mga pahayag nila.

    Ngayon, sabi ni Gob. Umali, nakagayak na, tulad ng rekomendasyon ng kanyang provincial health officer na si Dr. Benjamin Lopez, na tulungan ang mga apektadong pamilya sa Hilera na mabigyan ng kaukulang pagkain. Kasi nga naman  daw ay hiniling sa mga tao na naapektuhan ng mikrobiyo na mag-self quarantine para huwag nang dumami ang magkasakit.

    May inilaan ding tulong para sa mga manggagawa na hindi kumita ng ikabubuhay.

    Ganyan nga ang dapat sa problema tulad nito, di ba?



    Dumarating nga ang problema nang hindi mo aakalain. Sabi nga ng municipal health officer ng Jaen, si Dra. Milgrace Santos, hindi nila inakala na ang Hilera ay siyang tatamaan ng ganitong problema.

    Hindi matiyak kung paano nagkaroon ng ganoong problema sa Hilera. Kaya dapat ay walang sisihan. At wala naman kaming naririnig na sisihan sa Jaen.

    Ang malungkot nga lang ay ang obserbasyon ni Jaen Mayor Santy Austria. Kinatatakutan daw ngayon na puntahan ang kanyang bayan. Natatakot daw na mahawa sila dahil ang akala ngayon ng marami ay buong bayan ng Jaen ang apektado.

    Ang sinasabi ni Mayor Austria ay lagi siyang kasama ng mga doktor at narses na nagbabahay-bahay sa Hilera at tumutulong sa mga naapektuhan. Sabi niya ay wala naman daw dapat ikatakot ang iba. Kung baga, kontrolado ang sitwasyon at laging may nakaantabay na tulong medikal sa nangangailangan.

    Sa ngayon, ang mahalagang leksiyon sa karamihan ay alamin ang buong katotohanan sa kinatatakutan. Sa gayon, hindi tayo maliligaw.

    Sa Hilera, palibhasa’y alam ng mga tao ang kabuuang impormasyon tungkol sa A (H1N1) virus ay ganito ang sinasabi: “Wala namang namamatay na tao, ang namamatay lang ay ang virus dahil sa alam nila kung ano ang dapat gawin.”

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here