NGAYONG naipatupad na ng Sangguniang
Panglalawigan ng Pampanga ang tamang
hakbang upang itong bale pangalawang
pagkasuspende ni Mayor J. Punsalan;
Ng San Simon, at kung saan bale ‘six months’
itong nakatakdang bunuhin uli riyan
ni J.P. at nitong lima pang Konsehal
ayon sa’ting mga ‘competent’ na Bokal;
Na pinaboran ng Bise Gobernador,
pagpapatunay na ang ‘due process of law’
ang umiral at di matatawag itong
kasabihan nga ay baka ‘lutong makaw’?
Malinaw ang kamaliang maituturing
na nagawa riyan ng ating butihing
Mayor ng San Simon, kung pakasuriin
kaya wala siyang marapat sisihin;
Kundi ang sarili na rin niya kumbaga
sa dahilang naging sobra ang kompyansa
n’yan sa kasamahan niya sa opisina,
at mga ‘councilors’ sabi r’yan ng iba.
Posibleng wala siyang masamang intension
sa maanomalya umanong transaksyong
pagbili ng lupa, na kung saan itong
tunay na mga ‘heirs’ ay di pala iyon?
Lubhang nagmadali kasi itong J.P.
na mahigitan niya ang dating Alkalde
sa mga ‘performance’ nitong matitindi,
kaya natisod ‘yan sa maling diskarte?
Nandiyan na, kumbaga sa dama, nakutsi
ang mahal na Mayor sa di maitanggi
nitong S.B. ang siyang kwenta nagmadali
upang bilhin sa di tunay na may-ari?
At ‘over priced’ pati ginawang ‘Deed of Sale’
ng limang ‘councilors’ kaya ang nasabing
bentahan ay mukhang ‘under the table’ din,
kaya damay pati di dapat ipitin?
Kung saan kabilang nga si Mayor J.P.,
sa naakusahan – aywan lang kung pati
ang kasalukuyang ‘S.B. Secretary’
sangkot din sa kaso bilang ‘accessory’?
Aywan din naman kung itong sa Ombudsman
na ‘criminal case’ ang ‘still pending’ pa riyan,
nai- ‘raffle’ na at pawang napadalhan
na ng ‘notice’ upang ang bista simulan.
Kung saan posibleng igigisa itong
mga ‘respondents’ na kasama ni Mayor
sa kasong kriminal na isinumite roon
ng ‘concern citizens’ ng bayang San Simon.
Pero kung di kwenta nagpakitang gilas
si Mayor J.P. na nagpagawa agad
na ng Munisipyo mismo r’yan sa harap
ng dating ‘town hall’ay naging ‘smooth’ lahat.
Sanhi na rin d’yan ng parang paligsahan
ng dating Alkalde at ng bagong halal
ang pagpapakita n’yan ng kakayahan
na mabihisan ang bayang minamahal.
Kung saan si Mayor Leonor Capule-Wong
ang panalo’t maari pang ikakulong
ng mga ‘respondents’ kapag ang desisyon
ng ating Ombudsman sa ‘complainants’ pabor~!