(Karugtong ng sinundang isyu)
Na nangakaupo na kayo sa puwesto,
Upang di isumpa ng sa inyo’y bumoto
Sa tanang buhay n’yan, na kung bakit kayo
Ang napili gayong napakarami n’yo
Na dapat ihalal at maihahanay
Sa mga dakilang lider nitong bayan,
Na laang magsilbi ng tapat at tunay
Para sa lahat ng mga kababayan.
Sana kung gaano kayo kasisipag
Sa pangangampanya, ganoon din dapat
Ang sa sarili ay ikapit sa oras
Ng inyong ‘official duties’ na hinangad.
At huwag gayahin ang ibang kabaro n’yo
Na karaniwan ng pasyalan lang nito
Ang mga tanggap n’yan sa Kapitolyo,
At ganun din naman ang pang-munisipyo.
Partikular na r’yan itong mga Bokal
At iba pang mga Konsehal ng Bayan,
Na aywan kung bakit di madatnan-datnan
Sa tanggapan nila matapos mahalal;
Madalas pati na nakatakdang session
Ay di rin mabigyan ng tamang atensyon
Ng marami kaya’t palagi ng ‘postponed,’
Sanhi ng di sapat para magka-‘quorum’
Ang ‘regular session’ nilang tinatawag,
Na karaniwan nang ‘once a week’ yan dapat,
Pero dala nga ng pagliban madalas
Sa session ng iba ya’y di natutupad.
O dili kaya ay tama’t dumarating
Sa takdang araw ng session o pamiting,
Wala naman sa tamang oras ang dating
Nitong ilan kaya malimit ‘postponed’ din.
Eh, papano nga ba magkaka-quorum yan,
Kung ang dalawa ay darating ‘before lunch’
Gayong ang alas dyes ang oras ng sesyon nyan,
At umalis na ang unang dumating diyan?
Tapos ala una darating ang isa,
Pagkaalis nitong mga nainip na,
Kaya imposibleng ya’y matutuloy pa
Sa ganitong klase ng ‘attendance’ nila.
Yan ay iilan lang sa malubhang sakit
Nitong sa lipunan ng Pinoy politics
Ay nahirati na’t animo’y kumapit
Sa katauhan ang di kanaisnais
Na gawang bagama’t batid nilang ganap,
Di ikapupuri o ika-aangat
Ng sarili at ng opisinang hawak
Ay siya pa rin lagi ang itinutulak.
Kung kaya marahil ang dapat baguhin
Sa sistema nitong eleksyon sa atin
Ay karaniwan nang may hasik na lagim
Dala nitong naghaharing uri na rin.
Na ayaw patalo at/o mapalitan
Para manatili sa kapangyarihan,
Kung kaya nagiging madugo kung minsan
Ang dapat ay ‘peaceful’ po nating halalan.
At sana’y tunay na ‘orderly & peaceful’
Ang katatapos lang din nating eleksyon
Sa pangkalahatan, at ni isang ‘faction’
O indibidual di nakaranas nitong
Anumang bagay na di kanais-nais,
Gaya halimbawa r’yan ng panggigipit,
Pananakot at pagpaboto ng pilit
Sa ginustong pahawakan ng pamitik!