Dr. Albert Venturina at ang dalawang kolong-kolong na gagamitin sa disinfection laban sa ASF. Kuha ni Ernie Esconde
LUNGSOD NG BALANGA — Naghahanda na ang provincial veterinary office sa massive disinfection laban sa African swine fever (ASF) matapos makabuo ng dalawang kolong-kolong na kauna-unahang gagamitin sa Region 3
Ipinahayag ni provincial veterinarian Dr. Albert Venturina nitong Miyerkules na isasagawa ang disinfection sa mga hog farms, slaughterhouses, at mga palengke gamit ang kolong-kolong, isa sa District 1 at isa sa District 2.
Ayon sa provincial veterinarian, may power spray ang bawat kolong-kolong na may mahahabang hose at mararating ang mga kahit masisikip na kalasada papunta sa commercial o backyard piggeries.
“Maraming paggagamitan nito, maraming use kumbaga itong kolong-kolong at madali ang movement, madaling pumasok sa mga eskinita unlike ang mga sasakyan mahirap. Ito madali at the same time, mahaba ang gagamitin na hose,” sabi niVenturina.
“Ito ay gagamitin talaga sa pagdi–disinfect ng mga farm dahil sa ASF na nangyari nang sa gayon ay mawala itong virus. Sana makontrol o ma–prevent natin,” dagdag pa nito.
Pati, aniya, mga bakanteng pig pens o piggery, backyard man o commercial, ay idi–disinfect din para bago magkaroon ng restocking ay mawala na sana ang virus sa paligid.
Ayon kay Venturina, may kabuuang 1,326 na nag-aalaga ng baboy ang naapektuhan ng ASF sa mga bayan ng Dinalupihan, Hermosa, Orani, Samal, Abucay, Balanga City, Pilar, Orion, at Mariveles.
Ang mga bayan lamang ng Limay, Morong, at Bagac ang hindi napasok ng virus.
May 9,955 baboy ang pinatay sa Bataan dahil sa ASF na nakatakdang bayaran ng national government ng P49.775 milyon sa halagang P5,000 bawat isa na isang buwan ang gulang pataas, sabi ni Venturina.