Masangsang na pakikibaka

    371
    0
    SHARE
    SA LOOB ng mahigit 20 taon, ang nakasusulasok na amoy at nakakapandiring mga langaw ay naging bahagi na ng pang-araw-araw na pamumuhay ng mga mamamayan ng Barangays Sta. Cruz, Sinura at Manibaug-Paralaya sa Porac, sampu ng mga taga-Barangay Cutcut, Angeles City.

    Nakakasukang kabulukan na kumakapit hindi lamang sa mga damit sa sampayan kundi pati na rin sa mismong mga katawan. Ga-higanteng mga langaw, bangaw na ngang maituturing, na dala-dala’y kung anu-anong sakit at karamdaman. Lahat nagmumula sa mga piggery at poultry farms na hindi lamang nakapaligid kundi mismong nasa busal ng mga nasabing pamayanan.

    Sa pagdaan ng mga taon ay hindi nagkulang ang mga mamamayan sa pakiusap, sa pagsusumamo sa mga nanunungkulan, sa mga halal na opisyal at mga ahensiya ng pamahalaan, upang kahit paano’y maibsan man lamang ang dinadanas nilang paghihirap at muling masamyo ang sariwang hangin sa kanilang kapaligiran.

    Nguni’t pawang katahimikan, kundi man direktahang pagtanggi sa problemang dinadanas, ang kanilanga naging kasagutan – mula mayor hanggang sa mga kagawad ng sanggunian, pati na rin yaong mga nasa barangay, maging sa mga namumuno ng Environment Management Bureau na siya sanang tanggulan ng bayan laban sa mga nagsasalaula sa ating kalikasan, sa masamyong kapaligiran.

    Tila baga’y manhid na ang kanilang pang-amoy – o dili kaya’y mga ilong nila’y natakpan ng bungkos ng tig-lilibo’t limangdaan – upang di man lamang mawari ang bigat ng problemang kinasuutan ng mga pamayanan.   

    Ang mga bata sa Holy Trinity School for special children sa Barangay Sinura ay ina-asthma, ginagalis at palagiang nakakaranas ng pagkahilo’t paninikip ng dibdib, pananakit ng tiyan dulot ng bulok na amoy na nanggagaling sa mga babuyan. Pati pagdarasal at pagmumuni-muni ng mga madreng sa kanila’y nag-aaruga ay apektado na rin ng nakakasukang amoy na bumabalot sa kanilang paaralan.

    Ang mga madre rin ang minsa’y nag-ulat sa media sa dami ng kaso ng miscarriage o pagkakunan, at mga insidente ng birth defects sa kanilang lugar.

    Ang pagtaas ng mga kaso ng asthma, respiratory ailments, gastro-intestinal diseases at skin diseases ay nailuat na rin sa Sta. Cruz, Manibaug, at Cutcut.

    Hindi biro-biro ang problemang ang kinakaharap. Hindi haka-haka, kundi isang di matatatwang katotohanan na ang bulok na amoy at mga langaw na nanggagaling sa mga piggery at poultry farms ay salot sa kalusugan ng mga mamamayan.

    Sa isang pag-aaral sa mga piggeries sa bayan ng Majayjay, Laguna, natuklasan na: “Animal wastes are carriers of diseases (Delgado, et al., 1999). Some of the components of pig waste that have direct adverse effects on human health are pathogens, nitrates, and hydrogen sulfide.

    “Pathogens can contaminate water and cause gastrointestinal diseases, among other ailments. These microorganisms are 10 to 100 times more concentrated in hog waste than in human waste, which is diluted with water in sewage treatment plants.”

    Sa ibang pag-aaral, ang pathogens, nitrates at hydrogen sulfide ay nakita na ring nakakaapekto sa pagbubuntis at sa tinatawag na blue baby syndrome o ang pagkamatay ng sanggol pagkasilang pa lamang.

    Hindi iilan na ring mga mamamayann nakatira sa tabi ng mga pugad baboy ang nangasawi sanhi ng kumplikasyon mula sa mga respiratory diseases.

    Hindi iilan na ring nakikibaka laban sa sangsang ng amoy at panganib na dulot nito ang nangamatay ng hindi man lamang nakabanaag ng pag-asang ito’y magkakaroon ng kalunasan. Kabilang na ditto ang mga mamamahayag na sina Ody Fabian ng The Voice, na siyang nagsilbing unang secretary-general ng Krusada Kontra Amoy, ang batikang potograpo na si Boy Sagad, si Dante Fabian ng Sun-Star Pampanga at ang beteranong si Rolly Lingat ng pahayagang Balita.

    Sa harap ng mga ganitong kalagim-lagim na panganib na nakaamba sa mga mamamayan, ni ha! ni ho! ay di man lamang narinig sa mga halal na opisyal.

    Sa kabilang banda, ang mga baboy at manok, sa simpleng sipon lamang ay kaagad nang pinababakunahan ng ating mga opisyal.

    Ito ang patunay na higit ang pagmamahal ng mga opisyales ng pamahalaan sa mga baboy at manok kasa mga mamamayan.

    Sa ganitong kaganapan, panahon na para isakamay ng mga mamamayan ang akmang pamamaraan upang sugpuin ang salot na sa kanila’y unti-unting pumapatay.

    Sa araw na ito maninindigan at magkakaisa ang mga mamamayang matagal nang nagtitiis sa kawalang bahala ng mga nanunungkulan sa isang martsa at rally sa mismong pugad baboy – sa munisipyo ng Porac.

    Kaisa tayo sa pakikibakang ito.


    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here