Marami pang Piskal at Hukom ang sanay mangotong

    268
    0
    SHARE
    Kung maya’t-maya ay palagi na tayong
    Nakababalita na may mga Hukom
    At mga Piskal na nabibili ngayon,
    Saan sa akala po natin hahantong?

    Ang ating respeto at paniniwala
    Sa judicial system ng sariling bansa,
    Kundi sa posibleng ganap pagkasira
    Ng sampalataya’t lubos na tiwala;

    Sa inaasahan po nating sandigan
    Ng hustisya at pantaong karapatan?
    Partikular na ang hikahos sa buhay
    Na may usapin sa Korte o Hukuman.

    Kung ang makalaban nito sa asunto
    Ay may kakayahang bilhin ang panalo
    Sa ilang Piskal d’yan sa DOJ mismo
    Na tila ‘for sale’ na sa panahong ito.

    Gaya na lang nitong isyu ng lagayan
    Na kung saan po pinaniniwalaang
    Kaya’t ang ‘Alabang Boys’ di kinasuhan
    Ay bunsod na rin ng nangyaring suhulan;

    Na namagitan sa pamilya ng suspek
    At ng mga piskal na diumano’y ‘well paid’
    Kaya nga kahit na may pruweba ang buwisit
    Laban sa kanila ay di na po humirit.

    Na isulong pa ang marapat na kaso
    Na posibleng i-file nila sa husgado,
    Bagama‘t may ‘prima facie’ upang ito
    Ay direktang ma-iakayat ang asunto.

    Sa puntong naturan, kahit pa ma’t walang
    Malinaw na pruweba hinggil sa suhulan
    Na posibleng sa kanila’y namagitan,
    May bahid na yan ng pag-aalinlangan;

    Sa pag-iisip ng mas nakararami
    Na ito ang siyang ngayo’y nangyayari
    Sa ‘ting ‘justice system’ na ang naging siste
    Ito’y ‘for sale’ na nga sa madaling sabi!

    Idagdag pa natin itong ilang corrupt
    Na kung tawagin sa salitang inglis, Judge,
    Di marami na itong ‘tumatanggap’
    Upang manaig sa kaso ang mapilak?

    Na nagiging pala-bigasan ng ilang
    Mga honorable manding naturingan,
    Pero sa likod ng kasuotan po niyan
    Ay ibang imahe ang nakalarawan.

    Kung saan imbes babaing nakapiring
    Ang simbolo nitong patas na pagtingin,
    Di malayong salaping tumataginting
    Ang imaheng nasa isip at damdamin;

    Kung saan ay di na kakaunti ang bilang
    Ng mga Hukom na tumanggap ng lagay
    Mula sa isang suspek maabswelto lamang
    Sa kung anong kasong kinasasangkutan;

    Isa na ang dating Hukom sa Mexico
    Na naging Huwes din po ng San Fernando,
    Na matatandaang nanghingi po ito
    Kay Gopiao ng halagang limampung libo;

    Para idismis ang kaso nitong huli,
    Ngunit nang dahil na-trap itong ‘Danny’
    Ng mga NBI – hetong naging siste:
    Sa limang libo lang natiklo ang pobre!

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here