LUNGSOD NG BALANGA — Sa napipintong pagtaas sa Martes ng halaga ng krudo na madaragdagan ng P6.10 bawat litro, nitong Lunes pa lamang ay nalulungkot na ang mga mangingisda sa Bataan dahil sa epektong dulot nito sa kanilang kabuhayan.
Ang malungkot, anila, tumataas ang gastusin dahil sa krudo, hindi naman sila pwedeng basta-basta magtaas ng presyo ng kanilang paninda dahil depende ito sa kalakaran. Kung magtaas, anila, ay baka hindi na mabili.
Sinabi ng mangingsdang si Dario Hernandez mula sa Barangay Wawa, Abucay, apat na litro ng krudo ang nauubos niya sa pangingisda balikan. “Kung madadagdagan ang presyo ng krudo ay liliit ang aking kita.”
Ang hinuhuli umano nila ay isdang halubaybay na ginagawang tuyo at meron din namang ibang klase ng isda na napapasama.
“Hindi kami nakakapagtaas ng presyo ng isda, basta kung ano ang kalakaran sa palengke at mga buyer yon ang presyo namin. Hindi kami basta-basta nakakapagtaas ng presyo kahit pa tumaas ang krudo,” sabi ni Hernandez.
“Ang kabuhayan namin ay sigurdong apektado sa pagtaas ng krudo. Sana bumaba ang presyo nito,” panawagan nito.
Si Generoso Sanchez na nagnenegosyo ng tahong ay nagsasabing apektado na naman sila sa pagtaas ng preso ng krudo. “Ang truck na kumukuha sa amin ay nagrereklamo dahil hindi sila makapagtaas ng presyo ng kalakal (tahong) dahil natatalo sila sa krudo. Hindi tumataas ang presyo ng aming kalakal dahil nakapirmis ang presyo nito.”
Sinabi ni Sanchez na ang presyo ng tahong nila ay nakapirme sa P800 – P1,000 isang sako na may timbang na 40 kilos. “Kahit tumaas ang krudo ay ganoon pa din ang presyo ng aming kalakal.”
Dinadala umano nila ang tahong sa Malabon, Dagupan, at iba pang lugar. Ayon naman kay Wawa barangay chairman Rodolfo Guanzon na isang magtatahong din, malaki ang epekto ng pagtaas ng krudo dahil ang tahong ay mura lamang. “Malaking kabawasan ito sa mga mangingisda.”
“Kahit tumaas ang krudo, hindi basta-basta nagtataas ng presyo ng tahong. Kapag bumiyahe ang truck ay apektado dahil sa layo nito lalo na sa La Union na malaki nauubos ng truck pero hindi naman pwedeng magtaas ng halaga ng kalakal (tahong).