Manggagawang bukid binaril sa kubo, patay

    403
    0
    SHARE

    ABUCAY, Bataan – Sa hindi pa malamang dahilan, binaril at napatay ang isang manggagawang bukid ng dalawang hindi kilalang lalaki sa loob ng kubo malapit sa MacArthur Highway sa Barangay Capitangan, Abucay, Bataan Linggo ng tanghali.

    Kinilala ni SPO4 Gregorio Gonzaga, Abucay police investigator, ang biktima na si Sandro Postilos, 38, nagpapaupang manggagawang bukid ng Capitangan. Nagtamo umano ito ng dalawang tama ng bala ng baril mula sa kalibre. 45 sa ulo at mukha na ikinamatay noon din sa loob ng kubong kanyang pinagpapahingahan.

    Dalawang lalaki diumano ang nakitang palabas sa kubo bago mag-alas-11 ng tanghali at sumakay ng hindi kilalang tricycle sa hindi pa malamang direksiyon.

    Ayon kay Grace Monisip, live-in-partner ng biktima, na hindi pa nakakain ng kanyang asawa ang baon nitong almusal. Aniya, maaari ay umuwi ito sa kubo matapos makapaglinang ng bukid gamit ang kuliglig upang mag-almusal.

    “Kung sino ang may gawa nito, sana naawa ka sa asawa ko,” humihikbing sabi ng babae. Wala raw siyang alam na kagalit ang asawa na umano’y mabait.

    Patuloy ang aming imbestigasyon upang malaman ang motibo at pagkakakilanlan sa mga salarin, sabi ni Gonzaga.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here