Home Headlines Mandatory facemask pinatutupad, 371 Covid cases naitala

Mandatory facemask pinatutupad, 371 Covid cases naitala

344
0
SHARE
Ang ilan sa mga senior citizen na nakasuot ng facemask habang nasa medical mission. Kuha ni Rommel Ramos

STA. MARIA, Bulacan — Mahigpit na pinatutupad ng pamahalaang barangay ng Sta. Cruz sa bayang ito ang mandatory na pagsusuot ng facemask lalo na sa mga senior citizens, may comorbidities, immunocompromised at mga buntis dahil sa pagdami ng kaso ng Covid-19 dito.

Ayon kay Sta. Cruz barangay chairman Resty Dela Cruz, sa kanilang barangay ay apat na ang nagpositibo sa Covid-19 at dahil sa pagtaas muli ng nasabing kaso kayat nagpapatupad sila ng mandatory na pagsusuot ng facemask.

Kaugnay nito ay isinagawa ang Covid-19 vaccination, booster vaccination, at libreng antigen test sa medical mission ng pamahalaang barangay at Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan.

Paalala ni Dela Cruz sa kaniyang mga kabarangay na palaging sumunod sa minimum health protocol para maiwasan ang pagkalat muli ng Covid-19.

Samantala, ayon naman kay Gov. Daniel Fernando, sa kasalukuyan ay 371 ang active cases ng Covid-19 sa lalawigan.

Aniya, under control naman ang nasabing mga kaso na nakitaan lamang ng mga mild symptoms at wala namang nagiging kritikal o naiuulat na namamatay dahil sa naturang sakit.

Gayunpaman ay paalala niya sa publiko na kailangan pa rin na mag-ingat at palakasin ang katawan dahil nariyan pa rin naman ang Covid-19.

Batay sa ulat ng Provincial Epidemiology and Surveillance Unit (PESU), nananatiling nasa low hanggang minimal risk classification ang bilang ng mga kaso ngayon ng Covid-19 sa lalawigan.

Nananatiling nasa ilalim ito ng Alert Level 1 o ang pinakamababang klasipikasyon, sa nakalipas na mga buwan.

Noong Mayo 9, iniulat ng PESU ang 37 na bago at 13 huling kaso, habang 110 kaso naman ang naitala ng Provincial Health Office-Public Health mula Abril 26 hanggang Mayo 2.

Dagdag pa rito, 94% ng 355 aktibong kaso ang walang sintomas, at 6% lamang ang malalang mga kaso.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here