Mamamahayag, mag-aaral nagsanib sa paggunita ng Maguindanao massacre

    477
    0
    SHARE

    NAGKAKAISANG PAGKILOS. Hindi bababa sa 200 mamamahayag at mag-aaral mula sa ibat-ibang pamantasan sa Bulacan ang lumahok sa ikatlong taon ng paggunita sa Maguindanao Massacre. 

    Ang paggunita na pinangunahan ng NUJP-Bulacan ay isinagawa sa bakuran ng kapitolyo ng Bulacan noong Miyerkoles ng gabi, Nobyembre 21 o dalawang araw bago gunitain ang International Day to End Impunity ngayong Biyernes, Nobyember 23. 

    Kuha ni Dino Balabo

    LUNGSOD NG MALOLOS — Hindi bababa sa 200 mamamahayag at mag-aaral ng ibat-ibang pamantasan sa Bulacan ang lumahok noong Miyerkoles ng gabi sa paggunita ng ikatlong taon ng Maguindanao Massacre.

    Kaugnay nito, isang mas malawakang pagkilos ang ikinasa ngayong Biyernes sa Maynila ng ibat-ibang samahan ng mamamahayag sa paggunita ng karumaldumal na pamamaslang at paggunita sa International Day To End Impunity.

    Ang pagkilos ng mga mamamahayag sa Maynila ngayon ay tatampukan ng parada ng 153 kabaong bilang simbulo ng pamamaslang sa katulad na bilang ng mga mamamahayag sa bansa mula noong 1986.

    “Dapat nang matigil ang pamamaslang sa mga mamamahayag dahil kawawa ang susunod na henerasyon,” sabi ni Rommel Ramos, vice chairman ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) Bulacan Chapter.

    Inayunan din ito nina Carmela Reyes-Estrope at Shane Velasco na kapwa kasapi rin ng NUJP at kapwa guro sa pamamahayag sa Bulacan State University.

    Binigyang diin pa nila na isa sa susi upang makaiwas sa pamamaslang ay ang pagiging responsableng mamamahayag.

    Iginiit naman ni Nestor Torres ng UNTV 37 ang pagiging mapagkumbaba ng mga mamamahayag upang magsilbing modelo sa mga pamayanan.

    Sa isang pahinang pahayag naman, hinamon ng NUJP Bulacan ang administrasyong Aquino na “bigyang kahulugan, kulay at hubog ang kanyang pangako.”

    Ipinalala rin ng NUJP sa Pangulo na “matagal nang tapos ang kampanya na tinatampukan ng pangako ng mga kandidato. Oras na upang kumilos at makinig at patunayan sa sambayanang Pilipino na kami ang Boss mo.”

    Ayon pa sa NUJP-Bulacan, ang patuloy na pamamayagpag ng culture of impunity sa bansa ay isang banta sa demokratikong lipunang pilit na itinataguyod at ipinakipaglaban noong 1896, 1945, at Edsa noong 1986.

    “Kung ang pamamaslang sa mga mamamahayag ay magpapatuloy, anong kinabukasan ang naghinhintay sa mga mag-aaral ng pamamamahayag ngayon, at maging sa susunod na salinlahing Pilipino kung ang mga tagapaghatid ng balita at katotohanan ay namumuhay sa mundo ng takot,” ani ng NUJP sa pahayag na inilabas.

    Iginiit pa nila na “bilang tagapaghatid ng balita’t impormasyon, ang mga mamamahayag ay dapat manatiling malaya hindi lamang sa impluwensiya ng makakapangyarihang diyos-diyosan, kungdi maging sa banta ng karahasan at pananakot.”

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here