Home Opinion Mahimasmasan sa kahibangan

Mahimasmasan sa kahibangan

700
0
SHARE

PILIT NA nililito ng diyablo si Hesus, ang Diyos na totoo na tao ring totoo. Alam kasi niyang hindi niya kaya ang pagka-Diyos niya, kaya ang pinupuntirya niyang iligaw ng landas ay ang pagkatao niya, katulad ng alam niyang napagtagumpayan niyang gawin kina Adan at Eba ayon sa kuwento ng Bibliya sa Genesis. Kaya pilit niya tayong tinutukso. Ang hangarin niya ay ang linlangin o lituhin ang tao. Lahat ng paraan ginagawa niya para makundisyon o mabago ang oryentasyon o direksyon ng tao sa buhay.

Hindi niya alam na ang pinaka-misyon ni Kristo ay ang maibalik nga ang tao sa tamang oryentasyon o direksyon sa buhay. Ang salitang ginagamit sa Griyego ay METANOIA, sa Ingles, conversion, sa Filipino, “pagbabalik-loob.” Ito ang layunin ng pagkakatawang-tao ni Kristo: ang maibalik-ang-loob ng tao sa Diyos. Kaya nga ang mensaheng narinig natin noong nagsimula ang Kuwaresma sa ritwal ng pagpapahid ng abo ay: “Talikuran mo ang kasalanan at paniwalaan ang mabuting balita.” Ibig sabihin, “magbalik-loob sa Diyos.”

Ang tawag ko sa misyon ni Satanas ay “negative reorientation” o kaya, mas mabuti, “disoryentasyon” o pagkahibang o pagkawala sa sarili. At ang misyon naman ni Kristo ay “positive reorientation,” ang mahimasmasan tayo, ang maibalik niya tayo sa katinuan, sa tunay nating sarili—ibig sabihin ang ituon ang loob natin sa Diyos.

Simulan natin sa negative reorientation. Paano inilalayo ng dimonyo ang tao sa Diyos? Tingnan natin sa unang tukso: GAWING TINAPAY ANG BATO.

Pinipilit niyang kumbinsihin ang tao na:

-pwede namang magshort-cut; ba’t mo pa kailangang magpakapagod o magsumikap? Maraming katumbas ang tuksong ito. Halimbawa, “Bakit ba kailangang magsimula sa mababa kung puwede namang gumamit ng koneksyon para diretso na sa itaas? May padrino namang pwedeng gumawa ng paraan? Pag may impluwensya, samantalahin! Gamitin! Ba’t ba susunod pa sa patakaran e pwede namang maglagay? Ba’t ba mangangampanya pa, pwede namang mamili ng boto. Ba’t ba mag-aadvertise pa e pwede namang umupa na lang ng mga trolls, na magkakalat ng fake news at disinformation sa social media? Bakit magrereview pa kung pwede namang mandaya sa exam? Ba’t ba maghahanapbuhay pa e pwede namang mabuhay sa nakaw?

Tingnan natin sa pangalawang tukso: SAMBAHIN MO AKO AT SASAMBAHIN KA:

-tinuturuan ng dimonyo ang tao na tumulad sa Diyos ngunit sa maling paraan—sa pamamagitan ng paghahangad ng kapangyarihan at kapurihan. Kaya pala napakadelikado ng kapangyarihan, nakakahibang, nakakahumaling. Para kang langaw, akala mo kalabaw ka na, natungtong lang sa ulo ng kalabaw.

Tingnan lang ang kasalukuyang ginagawa ng Presidente Putin ng Russia. Litong-lito na siya: ang tingin niya sa ginagawa niya ay pagpapalaya sa Ukraine, hindi pananakop. Nakakahibang talaga ang kapangyarihan, lalo na kung pinaiikutan ka ng mga alipores na walang ginagawa kundi purihin at sang-ayunan lahat ng gusto mo. Mula sa pagsamba sa Diyos, nililigaw ni Satanas ang tao na maniwalang di na niya kailangan ang Diyos dahil ramdam niya na Diyos na siya pag nakabihis siya ng kapangyarihan at kapurihan.

At sa pangatlong tukso: BAHALA NA ANG DIYOS! Ang tawag ko dito ay bulag na pakikipagsapalaran. Tuturuan ka ng dimonyo ng maling klase ng tiwala. Iyung tipong basta ka na lang tataya o lulundag nang hindi na mag-iisip ng pagkatalo o pagkapariwara. At ang pag pinakinggan mo ang katuwiran niya parang tama pero mali: “hindi naman tayo pababayaan ng Diyos, hindi naman niya tayo matitiis. E ano kung magkasala, mapagpatawad naman siya.”

Parang ganito mangatuwiran ang mga laki sa layaw at mga walang responsibilidad sa buhay. Magwaldas, tutal, mayaman si papa. Siya ang bahala kahit ano pang kalokohan ang gawin natin. Parang tama, di ba? Pero mali. Kaya nga tayo binigyan ng talino at kakayahan para tulungan natin ang sarili at ang isa’t isa. Kahit totoong kailangang magtiwala sa Diyos, di dapat malimutan na may tiwala ang Diyos sa atin, kaya niya tayo ginawang mga katiwala sa daigdig.

Dumako naman tayo sa misyon ni Kristo: ang ibalik tayo sa katinuan, ang iligtas tayo sa kahibangan at pagkaligaw ng landas, ang ibalik ang loob natin sa Diyos. Ito ang good news. Hindi tayo likas na masama; tayo ay likas na mabuti. Bago pumasok ang original sin, mas nauna ang original blessing—na ang orihinal nating layunin ay tumulad sa oryentasyon ng Diyos. Ano ang oryentasyon na ito?

-Sa unang tukso, ang sagot niya ay maghanap ng TUNAY NA PAGKAIN: hindi lang tinapay kundi Salita ng Diyos, para mabuhay. Ito ang itinuro niyang hingin natin sa AMA NAMIN: Bigyan mo kami ng kakanin sa araw-araw. Ang pagkaing nagpalakas sa bayang Israel upang ma-survive ang 40 taon sa disyerto: hindi ang manna kundi ang Salita ng Diyos.

Ang iisang landas na ituturo sa atin ng Salita ng Diyos ay PAG-IBIG, PAGMAMAHAL. Ito ang magtuturo sa atin na magparaya, magsakripisyo, magbigay na walang kapalit. Walang ibang daan patungo sa kaganapan at pagkapuno ng grasya kundi ang pagbubuhos ng sarili, lubos na pag-aalay-ng-buhay para sa kapwa, para sa minamahal. Na walang ibang direksyon patungong pagkabuhay kundi ang kalbaryo, walang daan patungong tagumpay kundi ang krus.

-Sa ikalawang tuksong magDiyos-diyosan sa pamamagitan ng kapangyarihan, ang sagot niya ay ang una sa sampung utos: DIYOS LANG ANG SASAMBAHIN. Ito ang pinaka- pundasyon ng lahat ng iba pang mga hangarin sa buhay. Wika nga sa Ingles, FIRST THINGS FIRST. Isaayos ang mga prayoridad o dapat pahalagahan sa buhay. Higit sa lahat, hangarin muna ang kaharian ng Diyos, at ang lahat ay susunod.

-At sa panghuling tukso na magwalang-bahala, ang sagot ni Hesus ay HUWAG SUBUKIN ANG DIYOS. Hindi tama na basta na lang ipasa-Diyos ang lahat kung wala naman tayong ginagawa. Ang sagot ni Hesus sa dimonyo ay common sense. Ba’t ako lulundag sa bangin kung alam kong ikamamatay ko? Bakit ko pipiliin ang alam kong ikapapahamak ko o ikapapahamak ng bayan ko? Bakit ko basta isusugal o tataya ang kinabukasan ng ating bansa? Bakit ko paglalaruan ang kalooban Diyos?

Kung ang ginagawa ng Russia ngayon sa Ukraine ay gagawin sa atin ng isang world power at sasabihin ng magiging bagong presidente: magpasakop na lang tayo baka sakali umunlad pa tayo. Hindi naman tayo pababayaan ng Diyos. Sasang-ayon kaya tayo?

Ipinalilimot sa atin ni Satanas na binigyan tayo ng Diyos ng talino at kakayahan upang ating magampanan ang papel natin sa daigdig bilang katuwang ng Diyos. Gagamitin ko ang mga kakayahan ko at galing sa tama at dapat. Pananagutan ko ang buhay ko, ang kapwa ko, ang bayan ko. May tiwala ako sa Diyos na alam kong nagtitiwala din sa atin. Alam kong may awa ang Diyos, pero alam ko ring dapat ko munang gawin ang kanyang ipinagagawa bago ko iasa sa kanyang awa. Di ba kasabihan natin, NASA DIYOS ANG AWA, NASA TAO ANG GAWA?

(Homiliya para sa Unang Linggo ng Kuwaresma, Marso 6, 2022, Luke 4:1-13)

 

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here