Hindi na maaawat pa ang labanang Yeng Guiao at Blueboy Nepomuceno sa pagka-congressman sa unang distrito ng Pampanga. Pero huwag parin natin alisin sa eksena ang kasalukuyang congressman na si Carmelo Lazatin dahil hindi pa nag-uumpisa ang filing ng certificate of candidacies.
Lazatin at Nepomuceno. Tignan mo nga naman talaga ang pulitika, dating magkaaway ng mortal pero ngayon ay posibleng maging magkasangga. Sadyang ganyan nga siguro ang “lumang” pulitika.
Oo magkaaway sila dahil si Lazatin ang nagbulgar sa halos lahat ng anomalya ng administrasyong Blueboy Nepomuceno: 1. Tarzan turns tables on Nepo, calls his successor ‘illogical’ (Punto, Nov. 26, 2008); 2. Tarzan calls Nepo projects ‘overpriced’ (Feb. 16, 2009); 3. Tarzan, Nepo trade barbs (July 10, 2009); 4. Tarzan, Nepo trade barbs on P813-M sports complex (Aug. 26, 2009).
Noong Nobyembre 2008, sinabi ni Lazatin na “mismanaged” ang city hall sa ilalim ng pamamahala ni Blueboy.
Ibinulgar ni Lazatin na delayed lagi ang sweldo ng mga empleyado ng city hall, pagbili ng mga mamahaling baril, mga loans o utang na hindi dapat inutang dahil mahihirapan ang lungsod na bayaran ito , at ang mga daan-daan umanong ghost employees sa payroll ng mga division chiefs at ilang mga konsehal.
Sumunod na banat ng kongresista noong Pebrero 2009: “I could not imagine that two small rooms for the taxpayers’ lounge could cost P10 million.” Pagkatapos ay ang paghimok niya kay Mr. Blue na maglabas ng calamity fund para sa pagsasaayos ng dike na dinadaluyan ng Balibago creek.
Sinabi din ni Lazatin na: “The mayor doesn’t know what he is doing.” Ito ay tungkol sa mahigit P800 milyong sports complex project ni Nepo na inutang sa Land Bank of the Philippines ang pondong pagpapagawa nito.
Hindi pa kasama dito ang reklamo ng mga residente at ibat ibang mga grupo.
Ilan sa mga ito ay ang : hindi mabayarang utang sa basura sa Kalangitan Landfill, utang sa Angeles Electric na naging dahilan upang maputulan ng kuryente ang buong city hall, ang P4.8-million na halaga ng apat na motorsiklong binili ni Blueboy para sa mga pulis, ang proyektong pang agrikultura na kung saan mas marami pa ang nag-aalaga ng baboy kesa sa mga inaalagaang baboy (‘GHOST EMPLOYEES’ UNDER BLUEBOY: 108 workers take care of 100 pigs [Punto July 2, 2010]). Napaka-baboy talaga.
Ito ang sinasabing mga dahilan kung bakit natalo ng humigit kumulang sa 30,000 na boto sa pagka-alkalde si Blueboy Nepomuceno kay Angeles City Mayor Ed Pamintuan.
Ang sagot naman ng kampo ni Blueboy kay Lazatin: “Kalwat ng makalukluk Mayor Tarzan anjang covered court mu ala yang apagawa (antagal na nakaupo ni Tarzan bilang mayor pero kahit isang covered court wala siyang naipagawa)”.
Kung iisipin at babalikan natin ang mga taon na pinamahalaan nila, parehong may katotohanan ang bintang ng magkabilang kampo sa bawat isa. Mas malala nga lang ng konti noong panahon ni Mr. Blue.
Pero ngayon ay magsasanib umano sila sa pwersa. Sa anong dahilan? Mr. Blue, ano kamo? “Para sa mabuting pamamahala (good governance)?” Aba, nananaginip ka yata?
Hindi ulyanin ang mga Angeleño upang makalimutan ang mga “milagro” at “kababalaghan” na ginawa mo sa lungsod.
Sa mga residente ng unang distrito ng Pampanga, kayo na ang bahalang humusga.
Mga “TraPo” na may masamang agenda, nararapat lamang na sila’y bigyan ng mahabang pamamahinga. Kabataan na botante ng Pampanga, malaki ang magagawa ninyong pagpapasya.
(Ipadala ang inyong reaksyon sa: jaguilar.editor@gmail.com)