‘Maguindanao massacre case,’ usad pagong pa rin

    677
    0
    SHARE
    Mahigit isang taon na ang nakaraan
    Nitong abeinte tres ng buwang salukuyan
    Mula nang maganap ang karumaldumal
    Na krimeng sa tanang buong kasaysayan

    Ng pulitika sa ating Inang bansa
    Ay siyang natatanging pinakamalala,
    Kung bilang ng buhay na nangapinsala
    At ari-arian ang magiging paksa

    Pagkat tunay namang di katanggap-tanggap
    Sa normal na tao ang ginawa’t sukat
    Ng hinihinalang nagplano at lahat
    Nitong pag-masaker na kasindak-sindak

    Kung saan animo’y kinatay na hayop
    Ang kinahinatnan ng kalunus-lunos
    Na bangkay ng mga biktima, matapos
    Pagbabarilin pa n’yan nang walang taros!

    At ang mas masakit, bago pa pinatay
    Ang mga babae’y kanilang hinalay;
    At maraming saksi ang nagpapatunay,
    Na si Andal Jr itong nagpapatay.

    Ngunit hanggang ngayon, bagama’t nadakip
    Na ng otoridad ang posibleng ‘culprit,’
    Pero hayan, itong ating ‘bar of justice’
    Ang tila usad pagong sa paglilitis;

    Bunsod ng aywan kung anong klasing gimik
    O tuwirang sabi ay ‘delaying tactics’
    Ng ilang ‘counsel’ na lubhang matitinik
    Sa pagbaluktot ng tunay na matuwid.

    Na kagaya nitong ibang abogado,
    Na di namimili ng kung anong kaso;
    Basta kumita lang – ke’ masamang tao
    Ay ipagtatanggol nila sa husgado.

    Kaya puntong yan, kahit malinaw na
    Itong sina Andal ang ‘culprit’ talaga,
    Ayon na rin sa testigong nakakita
    Sa napaka-brutal na pagpaslang niya

    Ay posible pa ring malusutan nito,
    Dahil sa husay ng kanyang abogado;
    At sa pagbili ng mga akusado
    Sa ilang ‘witness’ na nakakita mismo.

    Sa puntong yan wala ng pinakamagaling
    Na nararapat siguro nating gawin,
    Kundi ang isyung yan ay tutukan natin
    Upang ang lahat ay mabigyan ng pansin.

    At ‘fair and impartial justice’ nga talaga
    Ang mangingibabaw sa ating hustisya,
    At di komo itong suspek ay mapera
    Ay kaya niyang bilhin ang lahat-lahat na.

    Ipakita natin sa pamamagitan
    Ng iisang tinig itong karaingan,
    Ng kapamilya at mga kaibigan
    Nitong inulila ng mga kriminal,

    Na di nila kayang bilhin ng salapi
    Ang ‘bar of justice’ ng ating Inang Lipi,
    Pagkat kung tunay mang may masamang binhi
    Ay mas marami ang ginto ang ugali.

    Sa ‘ting mga Hukom, na di nabibili
    Ng mga mapilak sa madaling sabi;
    Bagama’t sa galing ng ilang ‘attorney,’
    Ang itim ay puede nilang gawing berde.

    Kaya’t sa puntong yan ay marapat lamang
    Na tayo ay maging ‘vigilant,’ kabayan
    Upang ang tunay na hustisya ang siyang
    Mangibabaw para sa kasong naturan.   

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here