Home Headlines Magbubukid o hari ng kontrata?

Magbubukid o hari ng kontrata?

188
0
SHARE

ISA SA layunin ng party-list system ay bigyang tinig ang mga sektor na matagal nang nasa laylayan—lalo na ang mga magsasaka.
Sila ang dapat nasa sentro ng Kongreso, sapagkat higit isang siglo na nilang pasan ang tanikala ng piyudalismo: kawalan ng sariling lupa, mababang presyo ng ani, at kulang na suporta mula sa pamahalaan.
Ngunit sa halip na magsilbing tunay na boses ng mga magsasaka, may mga kinatawan na umano’y mas nakikilala sa negosyo at mga kontrata kaysa sa pakikibaka.
Isa sa madalas na nababanggit ng mga kritiko ay si Congressman Ferdinand Beltran, dahil sa mga flood control projects na napupunta umano sa mga kumpanyang konektado sa kanya. Sa ilang reklamo at obserbasyon ng mga residente, may mga nagsasabing substandard ang ilang proyekto—na sa halip na magligtas laban sa baha, ay nagdudulot pa ng pinsala.
May mga tanong din mula sa komunidad kung paano nakikinabang ang ilang personalidad at kanilang pamilya mula sa mga kontrata ng gobyerno, kabilang ang flood control at mga proyekto sa ahensya tulad ng NIA.
Sa mga diskusyong publiko, nababanggit ang mga palatandaan ng marangyang pamumuhay—mga malalaking bahay, magagarang sasakyan, at maging helikopter—na iniuugnay ng mga kritiko sa mga kontratang ito. Gayunpaman, nananatili itong bahagi ng usapan at tanong ng publiko.
Kung tunay na kakampi ng mga magsasaka o magbubukid si Beltran, dapat sana’y malinaw ang kanyang paninindigan sa mga laban ng magbubukid:
-pagtutol sa pyudalismo, -pagsusulong ng reporma sa lupa, -pagtindig laban sa pang-aagaw ng lupain,
-at pagkilos para sa makatarungang presyo ng palay.
Subalit, ayon sa mga nag-oobserba, mas nabibigyang-diin ang kanyang kaugnayan sa mga kontrata at flood control projects kaysa sa kongkretong programa para sa mga magsasaka.
Kaya’t mahalagang itanong: ano ba ang tunay na layunin ng kanyang panunungkulan sa Kongreso?
Kung pagbabatayan ang kasalukuyang kalagayan, maraming magsasaka ang nagsasabing wala silang nakikitang malinaw na programa para buwagin ang piyudalismo, tiyakin ang seguridad sa pagkain, o maglatag ng suporta para sa mga maralitang magbubukid.
Ang malinaw lamang, ayon sa kanila, ay ang patuloy na pagpasok ng mga proyektong may tanong mula sa publiko.
Sa huli, hindi yaman o kahirapan ang batayan upang maging kinatawan ng mga maralita, kundi kasaysayan ng paglilingkod at pakikibaka.
At kung hindi ito masusuri at mapipigilan, mananatiling larangan ng pansariling interes ang party-list system—habang ang mga magsasaka ay patuloy na nabibiktima, hindi lamang ng piyudalismo, kundi pati ng mga proyektong pinagdududahan ng publiko kung tunay ngang nagsisilbi sa kanila.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here