OLONGAPO CITY – Patay ang mag-asawa kasama na ang kanilang 2-taong-gulang na anak na lalaki nang tupukin ng apoy ang isang gusali na tindahan ng mga piyesa ng sasakyan na kanila rin tinutulugan sa lungsod na ito noong Miyerkules ng umaga.
Kinilala ang nasawing mag-asawa na sina Mariano at Aira Panganiban at kanilang anak na si Ricardo na natagpuan na magkakayakap sa ika-apat na palapag na kanilang tinutulugan.
Ayon kay Florencio Cureg, may-ari ng establisimiyento, aabot naman umano sa humigit kumulang sa P50 milyon halaga ng mga piyesa ng mga sasakyan at mga ari-arian ang nasunog gayundin din ang halaga ng gusali.
Himala namang nakaligtas ang alagang aso ng mga biktima na nagtago sa ilalim ng mesa sa ikalawang palapag ng gusali, ayon kay city fire marshall Chief Inspector Arvin Christian Santos.
Sa imbestigasyon, nagsimula ang sunog bandang alas-5 ng umaga sa unang palapag ng gusali na mabilis na umakyat sa ika-apat na palapag kung saan naroroon ang mga biktima.
Posible umanong hindi na nagawang makababa pa ng mga biktima dahil sa apoy na nagmumula sa ibaba, wala rin umanong fire exit ang nasabing palapag na napapalibutan ng terrace grill.
Hindi naman naging madali para sa mga kagawad ng pamatay sunog ang pag apula sa apoy dahil na rin sa ilang mga produkto na nasunog katulad ng langis at mga gulong na para lalo pang lumaki ang apoy, dumagdag pa umano ang makipot na daanan sa mga palapag ng gusali.
Ang sunog ay tumagal ng mahigit sa tatlong oras bago ito idineklarang fire under control.
Patuloy ang imbestigasyon sa pinagmulan ng apoy.