Ano ba naman at di maisa-ayos
Itong serbisyo ng San Simon Water Works;
Kung dati sa bandang umaga lang halos
Mahina ang tulo’t matagal sumahod,
Ngayon magmula sa umaga ay wala
Ng makuha kahit man lang isang timba,
At sa bandang hapon magkarun man yata
Ay mabilis pa ang ihi ng palaka!
Kaysa suplay nitong naturang ‘water works’
Na dapat sana ay matagal nang ayos,
Kung ang hinaing ng ‘consumers’ ay lubos
Nabigyan ng sapat na atensyon ng ‘boss’
O ng pamunuhan sa nakalipas na
Ilang taon na ring operasyon nila,
Na malaki-laki na rin ang kinita
At walang sapat na dahilan yan para
Di mapabuti ang kanilang serbisyo
Sa pamamagitan ng pagkabit nito
Ng ‘booster’ o ano pa mang instrumento
Na magpapalakas sa pagdaloy mismo
Ng tubig mula sa kanilang istasyon
Patungo sa lahat ng ‘consumers’ nitong
Marapat mabigyan magdamag, maghapon
Ng sapat na suplay ang taga San Simon
Na sinusuplayan ng ‘water works’ na yan,
Gaya ng Salusu, Camias at iba pang
Komunidad at/o karatig barangay
Ng Sta. Monica sa kasalukuyan;
Na apektado ng bulok na serbisyo
Ng ‘aguas potables’ na di sigurado
Kung mamaya, bukas, o sa isang lingo
Ay may mai-suplay na tubig sa gripo
Ng bawat ‘consumer’ pagkat tunay namang
Ang serbisyo nito ay di maasahan;
Sa kadahilanang ang pamunuhan niyan
Ay iresponsable sa marapat gampanan?
O sadyang ika nga’y kapos lang talaga
Sa kung anong dapat taglayin kumbaga
Ang pangasiwaan kung kaya pati na
Simpleng bagay lang ay di nila makaya?
Pero ano’t minsan pagsapit ng gabi
Ay malakas-lakas ang ‘pressure’ nyan pati?
At kung sumirit yan ay talagang ‘fuerte,’
Kaya nitong magpasabog ng ‘pvc’!
Kaya’t katanungan ng mga ‘consumers’
Sa pamunuhan niyan o mga ‘managers’,
Di raw po ba nilang makayang i-‘maintain’
Ang ‘pressure’ ng tubig na talagang okey?
Kaysa gaya nitong sa araw ay wala
Kaming masahod d’yan kahit isang timba,
Pero sa gabi ay nakabubutas nga
Ng tubo ang ‘pressure’ na pabigla-bigla.
Kaya nga’t madalas ni pang-hugas pati
Ng kamay sa araw kinakapos kami,
Partikular na riyan ang mga babae,
Na di lamang plato ang hugasin kasi!