Kawalan ng programa sa anibersaryo ng ‘Great Raid’, pinuna

    336
    0
    SHARE

    Dambana. Ang imahe ng mga bayaning sundalong Pilipino sa Sundial Monument sa dating Pangatian Concentration Camp. Kuha ni Armand Galang

    CABANATUAN CITY – Isang bantayog ng tagumpay ng pagkakaibigan ng pwersang Amerikano at Pilipino ang nakatindig sa isang barangay sa lungsod na ito, ngunit tila wala nang nakapansin na minsan pa’y nagdaan ang petsa ng pangyayaring yaon na nagpalaya sa 516 na bilanggong Amerikano noong Enero 30, 1945.

    “Ang kawalan ng programa para sa tagumpay na ito ay kawalan ng respeto sa mga beterano at mga ninuno nating nagbigay ng magandang pangalan sa ating lalawigan,” ani dating Gob. Tomas Joson III.

    Si Joson ay anak ni Capt. Eduardo Joson, Sr., isa sa mga tinanghal na bayani bilang lider ng Squadron 213 sa tinaguriang “The Great Raid”, kasama si Capt. Juan Pajota, kapwa kinomisyon ng US Armed Forces in the Far East (USAFFE).

    Kasama rin nila sa operasyon si Lt. Col. Henry Mucci, lider ng US 6th Ranger Battalion.

    Ang sundial monument na tinatampukan ng sculptured images ng mga gerilyerong Filipino na nagligtas sa mga maysakit, gutom at pinahihirapang sundalong Amerikano habang bihag ng tropang Hapones sa Pangatian Concentration Camp, ay napapaligiran ng mga punong mangga na may upuan at mesang konkreto sa ilalim.

    Sa kabilang bahagi ay may mga palaruang pambata na nababalot ng kulay fatigue, o damit militar.

    Mula sa gate ng kaburan ay konkretong aisle na sa gilid ay may mga upuang bakal at dalawang marker (memorare) na itinayo ng National Historical Institute (NHI) noong 2003.

    Ayon sa dating punonglalawigan, hindi kailanman maaaring kalimutan ang tagumpay na ito lalo’t naiiba kaysa karaniwang kuwento ng pagkabigo o kamatayan ng bayani ng digmaan.

    Aminado si Carol Uy, provincial tourism officer, na walang anumang programang naitakda nitong nakaraang Enero 30 para ipagdiwang ang The Great Raid, ang basehan ng kwento ng Hollywood film na pinagbidahan nina Benjamin Bratt at Cesar Montano.

    Pero tiniyak niyang pinangangalagaan ng pamahalaang panlalawigan, sa ilalim ng pamumuno ni Gov. Aurelio Umali, ang diwa ng tagumpay na ito. “Kaya laging kasama ang Pangatian Shrine sa destinasyon ng mga Lakbay-Aral ng mga estudyante at kawani ng local government units sa atin,” ani Uy.

    Si Umali ay mahigpit na kalaban sa pulitika ng mga Joson sa kasalakuyan. Tinalo niya ang anak ng yumaong Kapitan at Gob. Eduardo Sr., na si dating Vice Gov. Mariano Cristino Joson sa halalan noong 2007 at apo nito na si dating Vice Gov. Edward Thomas Joson noong 2010 elections.

    Batay sa mga tala ng kasaysayan, ang pagliligtas ng 516 prisoners of war na binihag ng Japanese Imperial Army ay naganap sa lob ang 45 minuto, bago sumikat ang araw noong Enero 30, 1945.

    Ito ang isa sa pinakamatagumpay na rescue mission sa kasaysayan ng militar, ayon sa memorare.

    Nagkakamatay na sa sakit, kulata at gutom ang mga sundalong Amerikano nang panahong yaon, ayon sa kasaysayan.

    Sa magkakasanib na pag-atake, ang puwersa ni Pajota ay lumusob sa stockade ilang metro mula sa kampo at nagtanim ng dinamita sa Cabu Bridge na bahagyang ikinasira nito. Tatlong hanay ng puwersang Hapones ang kinailangang gapiin ng mga gerilya.

    Samantala, ang puwersa ni Joson ay nagsilbing blocking force sa bahaging kanluran ng kampo, upang hadlangan ang mga tropang Hapones na magmumula sa Cabanatuan.

    Sa mga POW, isa lamang ang namatay samantalang sa rescuers, sina Capt. James Fisher at ang US Ranger medic na si Cpl. Roy Sweezy ang nasawi.

    Namatay si Fisher nang isang mortar shell ang pinasabog ng Japanese soldier na tumama sa kanyang tiyan. Nasugatan naman ang 12 tauhan ni Joson at isang Amerikano.

    Matapos ang rescue operation, ang mga sundalo at gerilya ay kinailangang maglakad at tumakbo ng ilang kilometro patungo sa Barrio Balangkare at Platero sa bayan ng Natividad gamit ang kariton at ginabayan ng mga sumuportang sibilyan. Kinailangan nilang tumawid sa Cabu River.

    Matapos ang digmaan, si Joson ay tatlong beses na naging alkalde ng Quezon, Nueva Ecija at mula sa maliit na bayang yaon ay anim na terminong naging gubernador ng Nueva Ecija hanggang sa bawian ng buhay sanhi ng karamdaman noong 1989.

    Tiniyak naman ni Uy na tuloy-tuloy ang pagbabahagi sa mga kabataan ng kasaysayan.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here