Limitado dapat, pati na rin sa ‘Judge’

    565
    0
    SHARE
    Kung bakit lagi nang tambak sa husgado
    Ang halos lahat ng klase ng asunto,
    Ya’y sanhi ng usad pagong na pagtrato
    Ng ‘Court of Justice’ sa pagbista ng kaso.

    At kung saan kahit simpleng kaso lamang
    Ay di pa kaagad maresolba minsan,
    Ya’y dahil na rin sa ibang ‘Judge’ at Piskal
    Na kahit may bista’y madalas lumiban

    O kung di man ‘absent’ sa oras ng bista,
    Ay palaging ‘late’ at wala rin kumbaga
    Sa tamang oras ang pagsipot ng iba,
    Kung kaya ‘resetting’ ang hantungan tuwina  .

    Idagdag pa natin ang pagiging ‘corrupt’
    Nitong ibang Piskal at nabibiling ‘Judge,’
    Ano pa nga ba ang maasaha’t sukat
    Kundi ng posibleng dagok sa mahirap?

    At ang isa pang lubhang kapanin-pansin,
    Na posibleng isang dagdag na pasanin
    Ay ang malimit na pag-‘postpone’ ng ‘hearing’
    Nitong nasa ating ‘judiciary’ na rin.

    Kadalasan, si ‘Judsge’ itong biglang ‘on leave’
    Pero hindi naman siya nagkasakit;
    At kahit ayon sa pinadalang ‘notice’
    Sa ganitong petsa’y may bista ang bwisit!

    Puwera pa ang di rin pagdalo sa oras
    Ng ilang atorning may paunang bayad,
    Ano pa ba kundi ‘postponement’ kaagad
    O ‘resetting’ kaya itong ihahayag?

    Kalimitan kasi ‘double blade’ ang iba
    O kabi-kabila ang kanilang bista;
    Kaya’t kung saan yan posibleng kumita
    Ng malaki-laki ay doon muna siya.

    Papano uusad ang anumang kaso
    Kung palagi na lang ganyan at ganito
    Ang pinag-gagawa sa ating husgado
    Ng ilang naturang honorableng tao?

    Partikiular na riyan sa kasong kriminal
    Kung saan ang Piskal ay lubhang kailangan;
    Pagkat di uusad ang prosesong legal
    Kung ito ang laging wala sa Hukuman.

    Kung saan ang talo ay sino pa nga ba
    Kundi ang biktima ng ganyang sistema?
    Lalo na sa panig nitong walang pera
    At ang kalaban ay malaman ang bulsa.

    Anong itatagal sa pakikilaban
    Ng isang mahirap na nangungutang lang
    Ng ipambabayad sa abogado niyan,
    Kung ang kalakaran sa husgado’y ganyan?

    Sana man lang kapag na-‘postponed’ ang ‘hearing’
    Ay walang bayad ang abogado natin?
    Kaya lang , kahit siya itong di dumating
    Aywan at kung bakit tila may bayad din!

    Ano kaya kung ang Congress ay magpasa
    Ng ‘bill’ hinggil po r’yan na naglilimita
    Nitong ‘resetting’ at pag-‘postpone’ lagi na
    Para matigil ang gantong sistema?

    At kaugnay nito’y pagmultahin dapat
    Ang kahit na sinong posibleng lumabag,
    Kasama pati na sina Piskal at ‘Judge’
    Kapag di sumipot yan sa takdang oras.

    Upang ang lahat ay matutong sumunod
    Sa kung anong dapat maging reglamentos;
    Nang sa gayo’y mapadali ang pag-‘resolve’
    Sa lahat ng kasong ‘still pending in Court!’

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here