Home Headlines Libreng helmet mula sa HPG-NE

Libreng helmet mula sa HPG-NE

619
0
SHARE

Binibigyan ni HPG-Nueva Ecija chief Capt. Lester Zafra ng libreng helmet ang isang manggagawang bukid sa Santa Rosa. Kuha ni Armand Galang



SANTA ROSA, Nueva Ecija –  Patungo sa kanyang inaasikasong bukid si Jose Cervantes, isang agricultural worker mula sa b
ayang ito, nang parahin siya ng mga operatiba ng Highway Patrol Group sa kahabaan ng national highway sa Barangay La Fuente nitong Miyerkules dahil sa pagmamaneho ng motorsiklo nang walang helmet.

“Namumursiyentuhan lang po ako sa bukid at kapos sa pera kaya hindi pa makabili ng helmet,” ani Cervantes nang lapitan ng operatiba ng HPG.

Ngunit taliwas sa kinatakutan ni Cervantes ang nangyari matapos matiyak ni Capt. Lester Zafra, provincial officer ng HPG-Nueva Ecija, na dokumentado ang kanyang motorsiklo at totoong wala siyang kakayanan na bumili ng helmet lalo’t nasa gitna ng pakikibaka ang lahat sa coronavirus pandemic.

Si Cervantes ay isa sa 30 motorista na nasa ganoong katayuan ng pamumuhay na pinagkalooban ng HPG-NE ng helmet sa gitna ng kanilang pinaigting na kampanya laban sa mga paglabag sa batas, kabilang ang di pagsusuot ng helmet para sa mga naka-single na motorsiklo.

Ngunit kasabay ng pagbibigay ng helmet ay pinaliwanagan ni Zafra ang mga motorista hinggil sa kahalagahan ng driving gear para sa kanilang sariling kaligtasan.

“Kung makikita natin ang datus ay napakalaki ng panganib ng kapahamakan sa mga motorista na naaksidente na walang helmet,” sabi ni Zafra. Kabaligtaran nito ay ang mataas na survival rate sa mga naka-helmet.

Nilinaw ni Zafra na tanging motorista na halata na kapos sa buhay ang kanilang pinagkalooban ng libreng helmet. “Yung mga may kakayanan naman at may helmet pero talagang ayaw lang sumunod sa batas ay hindi natin binibigyan,”paliwanang nito.

Todo-pasalamat naman si Cervantes sa natanggap na libreng helmet. “Lagi ko po itong isusuot,” pangako niya.

Ang mga helmet na ipinamahagi ng HPG-NE ay donasyon ng ilang stakeholders, ayon sa kanya.

Ang pagmamaneho ng single na motorsiklo nang walang suot na helmet ay may kaukulang multang P1,500.

Umapela si Zafra sa lahat ng motorista, maging sa mga malalaking sasakyan, na ugaliin ang pagsunod sa batas upang maiwasan ang disgrasya sa lansangan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here