Limay Dialysis Center. Photo courtesy Bataan provincial government.
LIMAY, Bataan — Masayang ibinalita ni Gov. Albert Garcia ngayong Linggo na pinasinayan nila noong Biyernes ang dalawang pasilidad na tinitiyak nilangmagbibigay ng de-kalidad na serbisyo sa mga mamamayan ng bayang ito.
Ang unang pinasinayaan ay ang Limay Dialysis Center na matatagpuan sa tabi ng dagat sa Judy’s Park sa Barangay Wawa na sinundan ng Limay Sports Complex sa tabi naman ng pamilihang bayan.
“Ang lahat ng ito ay naging matagumpay sa patuloy na pagtutulungan ng ating pamahalaang panlalawigan, iba’t ibang mga pampubliko at pribadong ahensya, atlokal na pamahalaan ng Limay sa pangunguna ni Mayor Nelson David at anak niyang si Vice-Mayor Richie David,” sabi ng governor.
“Sa gitna ng kinakaharap nating pandemya, makaaasa kayo na patuloy tayong maghahatid ng tulong at patuloy ang mga programang ating nasimulan bago paman tayo sumailalim sa community quarantine,” patuloy ni Garcia.
Ang dialysis center, aniya, ay magbibigay ng libreng serbisyo lalo na sa mga indigent mula sa Limay.
May 10 dialysis machine sa nabanggit na center na sinasabing nagkakahalaga ng P1 million ang bawat isa.
Ang inayos at pinagandang Limay Sports Complex naman, ani governor, ay maaaring gawing isolation center ng lalawigan “upang mas masugpo at mapigilan ang pagkalat ng coronavirus disease.”
Bukod sa mag-amang David at governor, dumalo rin sa pasinaya sina 2nd District Rep. Jose Enrique Garcia III, Vice-Gov. Cris Garcia, at iba pang mga opisyales.
Sa nasabing pagtitipon, ibinalita ni Congressman Garcia na malaki ang paniniwala niya na papasa ang kanyang House Bill 7122 na naglalayong magtayo ng Limay District Hospital na matagal na, aniyang, hinihiling ng mga residente.
Nakausap na umano niya ang mga opisyales ng Department of Health na pabor sa kanyang panukala.