SAMAL, Bataan: Matitinis na sigawan at tawanan ang maririnig habang pinapanood ng mga bata ang kapwa nila mga bata na kasali sa ilang traditional na laro na binuhay nitong Linggo sa Barangay Sta. Lucia sa Samal, Bataan.
Ang mga laro ng kahapon ay basagan ng palayok, saluhan ng itlog, sack race at hatakan ng lubid na pansamantalang nagpatigil muna sa mga bata sa paggamit ng kanilang cellphone.
Ginanap ang mga palaro sa harap ng barangay hall.
Piniringan ang isang batang babae at binigyan ng pamalo sa nakabiting palayok habang naririnig ang sigawan ng mga bata.
Nang tamaan ang palayok ay sumambulat ang laman nitong mga kendi. Nag-agawan ang mga bata sa mga kendi habang sinasabuyan sila ng harina.
Sumunod ang hagisan ng itlog, sack race at hatakan ng lubid na talaga namang hindi magkamayaw sa tuwa ang mga kalahok at nanunood lamang.