Larawan ng digmaan

    899
    0
    SHARE

    MARAMING SALAMAT sa Philippine Veterans Bank sa pagsasagawa ng exhibit na “War of Our Fathers” sa Lunsod ng San Fernando sa loob ng dalawang linggo hanggang ika-11 ng Setyembre.

    Pagpapa-unlak ito sa imbita ng education committee ng Multi-Sectoral Governance Council (MSGC) na dalhin ang exhibit sa lunsod para maipamalas sa ating mga kabataan ang isang panahon sa ating kasaysayan at ang sakripisyo ng mga Pilipino para kamtin ang kalayaan.

    Ang MSGC ay binubuo ng mga pribadong organisasyon na lumalahok sa pamamahala ng lunsod.

    Lapat ang lumang istasyon ng tren, bilang lugar ng exhibit. Dito sapilitang pinasakay ng mga sundalong Hapon sa mga saradong bagon ang mga sundalong Pilipino at Amerikano patungong Camp O’ Donnel sa Capas, Tarlac— ang huling hantungan ng Death March mula Mariveles.

    Nangingilid ang luha nina Ruben Sta. Ana at Vivencio Tizon, mga beterano ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig mula 1941-1945, habang minamasdan ang mga larawan at kagamitan sa exhibit.

    Sa kanilang dalawa, si Apong Ven ang nagpahayag ng pasasalamat. Akala kasi niya hindi na pinahahalagahan ang kanilang sakripisyo. Masaya naman si Apong Ruben na ipina-ayos nina Mayor Oscar Rodriguez ang train station sa tulong ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority.

    Patok ang exhibit kasi libo-libong estudyante at kabataan ang pumunta ditto.

    Ito palang exhibit ay inililibot ng PVB simula 2006 dahil ang 400,000 stockholders ng PVB ay mga World War II veterans.

    Itinatabi rin ng PVB ang 20 porsyento ng net income nito para sa Board of Trustees for the Veterans of World War II, na ginagastos naman sa pagpapagamot  ng mga beterano.

    q q q

    CONGRATS sa Betis! Ang dating bayan ay mayroon ng napakagandang aklat kung saan, sa wakas, nakatala ang kasaysayan, ambag, pananampalataya at buhay ng mga taga-Betis sa nakaraang 440 na taon. (Naging bahagi ng Guagua ang Betis noong 1903 pero nanatili ang karakter ng lumang bayan.).

    Ang pamagat ng aklat ay “Suli (Legacies of Santiago Apostol Church of Betis).” Isinulat ito ni Nina L.B. Tomen sa pakikipagtulungan ni Pampanga Auxiliary Bishop Pablo Virgilio David na tubong-Betis.

    Para sa mga gustong bumili ng aklat, komontak po kayo sa Betis Craft (045)9000-309 o kay Joan Colasito 09174050442.

    q q q

    PAANYAYA. Balak ng The Film Academy of Pampanga (TFAP) na gumawa ng maikling pelikula ukol sa tradisyon ng pang-uukit sa Betis.

    Kulang pa ang budget at kagamitan para sa proyekto kaya inaanyayahan ko kayo na mag-ambag para maisakatuparan ito bilang bahagi ng pagsusulong ng kulturang Kapampangan.

    Magtext ho kayo kay Ruston Banal, pangulo ng TFAP, sa 0915-305-3768.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here