Home Headlines LANDBANK at Naga City, pinalawak ang suporta sa MSMEs at mga kawani...

LANDBANK at Naga City, pinalawak ang suporta sa MSMEs at mga kawani ng gobyerno

139
0
SHARE
(First row) Nilagdaan nina LANDBANK President at CEO Lynette V. Ortiz (center-right) at Naga City Mayor Leni G. Robredo (center-left) ang isang kasunduan upang palawakin ang access ng mga negosyante at kawani ng pamahalaan sa financing, business development support, at digital financial services. Kasama sa seremonya sina DICT Undersecretary Atty. Faye Condez-De Sagon (2nd from left), LANDBANK Executive Vice Presidents Charlotte I. Conde (rightmost) at Marilou L. Villafranca (2nd from right), Naga City Treasurer Maria Socorro R. Gayanilo (leftmost), at iba pang opisyal ng dalawang institusyon

Mas maraming negosyante at kawani ng pamahalaan sa Naga City ang magkakaroon ng access sa financing at digital financial services sa ilalim ng bagong partnership ng LANDBANK at ng Pamahalaang Lungsod ng Naga.

Layunin ng programa na palawakin ang access ng mga MSME sa puhunan upang mapalago ang kanilang negosyo at makalikha ng mas maraming trabaho, habang pinabubuti ang payroll services ng mga kawani ng pamahalaan sa pamamagitan ng digital banking solutions.

Pinangunahan nina LANDBANK President at CEO Lynette V. Ortiz at Naga City Mayor at dating Bise Presidente Leni G. Robredo ang paglagda ng kasunduan noong 24 Hulyo 2026 para sa pagpapatupad ng LIFTING MSMEs Lending Program at paglulunsad ng LANDBANK eCard para sa mga empleyado ng lokal na pamahalaan.

Kasama rin sa seremonya sina Department of Information and Communications Technology (DICT) Undersecretary Atty. Faye Condez-De Sagon, LANDBANK Executive Vice Presidents Charlotte I. Conde at Marilou L. Villafranca, Naga City Treasurer Maria Socorro R. Gayanilo, at iba pang opisyal.

Ayon kay LANDBANK President and CEO Ortiz, sa pamamagitan ng financing at digital solutions ng LANDBANK, mas napapalawak ang oportunidad para sa mga negosyante habang napabubuti rin ang serbisyo ng lokal na pamahalaan.

Sa ilalim ng LIFTING MSMEs Lending Program, maaaring umutang ang mga startup ng mula ₱100,000 hanggang ₱500,000, habang ₱500,000 hanggang ₱5 milyon naman para sa mga lumalawak na negosyo. Maaari ring umabot sa ₱50 milyon ang maaaring hiramin ng mga established MSMEs para sa kanilang expansion plans.

Binigyang-diin naman ni Naga City Mayor Robredo na magbibigay ang programa ng dagdag na puhunan para sa mga MSME sa mas mababang interest rates at mas mahabang payment terms kumpara sa karaniwang inaalok ng mga private lenders.

Bukod sa pautang, makikinabang din ang mga MSME sa financial education, entrepreneurship at business management training, digitalization support, trade fairs, investment forums, at AI-enabled solutions na binuo ng LANDBANK at DICT para mapabilis ang credit assessment at business development support.

Samantala, bilang bahagi ng digital transformation ng lungsod, gagamitin ng Naga City ang LANDBANK eCard system, na nagsisilbing payroll account, official employee ID, at ATM card sa iisang card lamang.

Ang mga inisyatibang ito ay kasunod ng iba pang financial inclusion initiatives sa lungsod katuwang ang LANDBANK, kabilang ang kamakailang pagbubukas ng bank accounts para sa halos 500 solo parents upang matiyak ang ligtas at direktang pagtanggap ng ayuda mula sa pamahalaan.

Sa pamamagitan ng pinalawak na suporta para sa mga lokal na negosyo, digital public services, at financial inclusion initiatives, patuloy na lumilikha ang LANDBANK ng mas maraming oportunidad at isinusulong ang mas matatag, inklusibo, at digitally enabled na kinabukasan para sa mga Nagueño.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here