Home Opinion Lakas ng loob

Lakas ng loob

754
0
SHARE

“HUWAG NINYONG katakutan iyung mga tipong ang kayang saktan o sirain ay ang panlabas natin pero hindi kayang sirain ang loob.” Ito ang basa ko sa sinasabi ni Hesus sa ating ebanghelyo ngayon. At ang pumapasok sa isip ko na larawan ay ang anay.

Alam n’yo ba na meron palang dalawang klaseng anay? Nalaman ko lang ito sa isang eksperto sa pest control. Meron daw anay na pula at anay na puti. Iyung pula, sila iyung nakikita sa labas, tulad ng mga anay na kumakain sa balat ng mga puno ng mangga. Makikita mo ang daanan nila sa mismong puno ng mangga, parang mga tunnel na gawa sa natuyong putik. Pag dinuro mo sa daliri mo, nabubutas ang tunnel at nakikita mo na sa loob ang mga anay na pula. Sabi ng ekspertong nakilala ko, hindi daw iyon ang delikadong anay. Balat lang kasi ang kinakain nila, tutubo rin naman ulit ang balat basta buhay ang punongkahoy sa loob.

Ang delikado daw ay ang anay na puti at mas maliit pero mas matindi kung manira. Ito daw iyung anay na kahit sa simyento o kongkreto kayang pumasok. Kapag nagsimulang ngumatngat sa kahoy, inuunang kainin ang loob ng mga posteng kahoy, kaya hindi mo sila nakikita. Sa labas ng bahay sa garden, doon mo makikita ang naipon nginatngat nila na nagiging lupa—isang bunton ng punso na akala natin ay bahay ng mga nuno o duwende, iyon pala bahay ng anay—naroon ang kanilang reyna na masipag manganak ng libo-libong sundalong anay na ngatngat nang unti unti sa bahay.

Kaya pala ang ginagawa ng mga eksperto, kinakatok nila ang mga posteng kahoy. Sa tunog mo daw malalaman kung inaanay ang bahay. Minsan, mukhang buo ang mga poste sa labas pero wala na palang laman sa loob! Pag kinatok mo parang sitsaron ang dating—balat na lang pala ang natitira. Ang galing naman nila di ba? Kinakain ang loob iniiwan ang labas. Sa di mo nalalaman, malapit na palang gumuho ang bahay mo.

Mga kapatid, hindi lang bahay ang inaanay, mga tao rin. Minsan natatakot tayo sa mga kriminal na pwedeng pumasok sa mga bahay natin mula sa labas para magnakaw. Sa ating unang pagbasa, narinig natin ang tungkol sa takot ni propetang Jeremias. Natuklasan niya na hindi pala sa labas nagmumula kundi sa loob ang kinatatakutan niya. Kumbaga sa nakawan, para bang “inside job”. Mas nakakatakot pag nalaman mong ang magnanakaw pala ay kasama mo sa loob ng bahay mo, mismong mga taong pinagkakatiwalaan mo. Sabi ni Jeremias, “Mga itinuturing ko palang mga kaibigan ang sumisira at ibig magpabagsak sa akin.”

Sa mga sandaling iyon, ang pumapawi sa takot ni Jeremias ay ang Panginoon. “Kasama ko ang Panginoon,” sabi niya. “Siya lang ang magpapalakas ng loob sa akin upang hindi mauwi sa pagkasira at pagkawasak ang buhay ko.” Kaya pala ang mas akmang translation natin sa Tagalog sa English expression na “Take courage” o “Do not be afraid!” ay “Lakasan mo ang loob mo.” Ang literal na sinasabi natin ay “Strengthen your inside.”

Para kasi sa atin na mga Pilipino ang loob ang pinagmumulan ng tunay na lakas. Kaya siguro sinasabi ng matatanda—“Masira na ang lahat sa buhay mo, huwag lang ang loob mo.” Kapag nasiraan nga naman ng loob ang tao, mas madali nang mawasak ang lahat sa buhay niya. Iyun din naman sa palagay ko ang dahilan kung bakit masipag kayong magsimba kapag Linggo. Hindi naman para dumispley lang kundi upang maghanap ng mapaghuhugutan ng lakas ng loob sa gitna ng maraming mga pagsubok sa buhay. Alam natin ang paraan ni Satanas—siya ang parang anay na puti na ngumangatngat sa kalooban natin. Nililito niya tayo, inilalayo ang loob natin sa Diyos. Hindi naman ang Diyos ang magtatapon sa atin sa impyerno kundi tayo rin, sarili natin mismo, kapag nalayo ang loob natin sa Diyos.

Sa araw na ito ipinagdiriwang din ninyo, mga kapatid dito sa Sts. Peter and John Parish ng Malabon ang kapistahan ng inyong mga Mahal na Patron—ang dalawa sa pinakadakilang apostol ng Panginoong Hesukristo. Hindi naman sila mga superman; mga tunay na tao din sila, katulad ng Panginoong Hesukristo. Kahit nga ang anak ng Diyos, tinablan din ng takot sa Hardin ng Gethsemane, dahil totoong tao siya. Sina San Pedro at San Juan pa kaya?

Si Pedro, sa simula pa lang natakot na siya nang mamulat siya kung sino itong nakasakay sa kanyang bangka at nagturo sa kanya na pumalaot upang mapuno ang lambat niya ng isda. Nasabi tuloy niya, “Huwag na lang ako, Panginoon, makasalanan akong tao.” Kaya pinalakas ng Panginoon ang loob niya. Minsan kasi kahit nagtitiwala tayo sa Diyos, wala naman tayong tiwala sa sarili natin. Nakakalimutan natin na bahagi ng pagtitiwala sa Diyos at paniniwalang may tiwala din ang Diyos sa atin.

Di nga ba nakalakad na si Pedro sa tubig, pero sinagilahan pa rin siya ng takot nang maramdaman ang malakas na alon at hangin sa labas niya? Ginawang kanta ang karanasang iyon ni San Pedro. Favorite nga iyon ng mga kabataan, madalas kong marinig sa mga concert. Ang title ay “Huwag ka nang Umiyak.” Sabi ng kanta,

“Ako ang iyong bangka, kung magalit man ang alon ng panahon, sabay tayong aahon…” At sa refrain, sabi pa niya,

“Kung wala ka nang maintindihan, kung wala ka nang makapitan, kapit ka sa akin, kapit ka sa akin,

hindi kita bibitawan.”

Kay San Juan natin matututunan ang matagal pa bago natutunan ni San Pedro. Kay San Pedro luminaw lang ito sa bandang dulo na—nang magpakita sa kanila ang Kristong muling nabuhay sa may dalampasigan at pinakain sila ng almusal. (Jn 21) Nang tanungin siya nang tatlong beses, SIMON, MAHAL MO BA AKO? Pagkasagot niya ng “Oo,”noon lang siya binigyan ng Panginoon ng karapatang pakainin ang kanyang mga tupa at alagaan ang kanyang kawan.

Mas maagang natuklasan ito ni San Juan. Kaya nga ang tawag niya sa sarili niya ay “The Beloved Disciple” ang “Alagad na Minamahal.” Hindi naman dahil may favoritism ang Panginoon, o siya lang ang mahal ng Panginoon. Ito ang alagad na walang alam na ipagmamalaki o paghuhugutan ng lakas ng loob sa buhay niya kundi ang Pag-ibig ni Kristo. Ito rin ang nagpaunawa sa kanya na ANG DIYOS AY PAG-IBIG.

Ganoon din ang sinasabi ni San Pablo. Pag-ibig ang pundasyon ng pananampalataya at pag-asa. Pag-ibig lang ang panlaban natin sa pagkasira ng loob. Kaya siguro ang lakas ng loob niya na sabihin—“Walang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos, dahil kay Kristo Hesus na ating Panginoon.”

(Ika-12 Linggo ng Karaniwang Panahon, 25 Hunyo 2023, Mat 10:26-22)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here