Lakas, hindi dahas

    578
    0
    SHARE
    BILANG PAGTUGON sa tawag ng panahon, ating ipinagkakaloob ang espasyong ito sa piling halaw mula sa talumpati ng Kanyang Kabunyihan Cardinal Luis Antonio Tagle sa Lakad para sa Buhay, Pebrero 18, 2017.

    Ngayong Sabado, Pebrero 25 ay magkakaroon din ng sariling lakad para sa buhay ang Arkidiosesis ng Pampanga sa pangunguna ni Arsobispo Florentino Lavarias.

    …KAPAG ANG tugon sa karahasan ay karahasan din, nadoble ang karahasan. Hindi dapat dinodoble o pinalalaganap ang karahasan. Ito ay tinutumbasan ng nonviolence.

    Ang lakas ng katotohanan, ang lakas ng katarungan, ang lakas ng dangal, ang lakas ng pagkalinga, ang lakas ng pagdamay, ang lakas ng pag-unawa, ang lakas ng pagpapatawad, ang lakas ng pagkakasundo, ang lakas ng pagmamahalan, ang siyang pipigil sa nakamamatay na karahasan. Lakas, hindi dahas. Lakas, hindi dahas…

    Save lives. Iligtas ang inang nagbubuntis at ang sanggol sa kanyang sinapupunan. Iligtas ang mga nagugutom. Iligtas ang kabataan at ang mga bata sa lansangan sa droga, abuso, prostitusyon, pornography, sugal, at bisyo. Iligtas ang pamilya. Iligtas ang marangal na sekswalidad. Iligtas ang manggagawa at ang mga walang trabaho.

    Iligtas ang dukha lalo na ang kababaihang nasa bingit ng human traffi cking. Iligtas ang mga may kapansanan. Iligtas ang mga katutubo. Iligtas ang mga magulang na tumatangis dahil nawawala o pinaslang ang kanilang anak. Iligtas ang kalikasan, na punong-puno na ng sugat. Iligtas ang nasa panganib ang buhay.

    Mga gawa ng malasakit at pag-ibig ang magliligtas sa buhay nila. Gawa ng malasakit at pag-ibig ang magliligtas sa buhay nila. Kung bawat isa sa atin po ay gagawa ng kanyang makakayanan, kasi hindi naman natin kaya na solusyonan lahat, pero kung bawat isa, gagawa ng kanyang makakayanan ayon sa kanyang estado sa buhay, lalaganap po ang kultura ng pag-ibig na nagliligtas ng buhay. Lakas, hindi dahas. Lakas, hindi dahas…

    Ang pagpatay at karahasan, nagsisimula sa pusong puno ng galit at poot.

    Linisin nawa ng Diyos ang ating puso, isip, mata, labi, at kamay upang mapawi ang ugat ng karahasan. Gawin nawa niya tayong nararapat na daan ng buhay.

    Lumakad po tayo araw-araw taglay ang paalaala ni Propeta Mikas. Ito ang sabi ng propeta. “Ito ang nais ng Diyos: Maging makatarungan ka sa lahat ng bagay. Patuloy mong ibigin ang iyong kapwa at buong pagpapakumbabang lumakad kasama ang Diyos.

    Lumakad tayong mapagpakumbaba, hindi mayabang, hindi galit, hindi nagmamataas. Lumakad tayong nagpapakumbaba dahil ang kasama natin ay ang Diyos ng Buhay.

    Sa Diyos na mahabagin, mapagpakumbaba, at mapagmahal, mayroong lakas, hindi dahas.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here