Home Opinion Kung ang halalan ay gaganapin tuwing tag-ulan 

Kung ang halalan ay gaganapin tuwing tag-ulan 

2178
0
SHARE

1.

Kung ang eleksiyon kaya ay nagaganap tuwing tag-ulan

at lubog sa tubig baha ang maraming kabahayan

di kaya mamumulat ang ating mga kababayan?

na piliin kung sino ang dapat nilang suportahan

mga bagong kandidato kaya o mga baguhan? 

ang kanilang iluluklok upang pagkatiwalaan

2.

Tila nakalalamang ang mga bagong kandidato

kaysa mga datihan na lagi nilang binoboto

lalo sa nasalanta ng mga ulan at pagbagyo

na dumanas ng hirap at di matingkalang kalbaryo

dahil nakikita nilang tila walang pagbabago

panahon na anila na magpalit ng liderato

3.

Kung may mga kandidato man silang di ilalaglag

ay ang subok sa serbisyo’t kinagiliwan ng lahat

mga taong mahuhusay na  sa tungkulin ay tapat

at laging maaasahan sa kahit na anong oras

subalit ang mga ganid  mga pulitikong korap

kapag nagkataon baka lahat sila ay  malaglag

4.

Lalo sa hanay ng nasa matataas ang tungkulin

kung tag-ulan ang halalan baka di na tangkilikin

lalo’t baha marami ang nagpupuyos ang damdamin

na di agad humuhupa kahit sila ay suyuin

baka bagong kandidato ang kanilang pipiliin

kung ang galit sa kanilang puso ang paiiralin

5.

Kung ganyan ang mangyayari’y maaring mapalitan

yaong mga pulitikong naupo na ng matagal

dahil sila na lang lagi ang mga nagpapalitan

sa mga pwesto na tila ayaw na nilang bitawan

lahat sila ay maaring sa pwesto ay masingitan

basta di lang magkaroon ng malawakang dayaan

6.

Kung tag-ulan ang halalan at sobrang lalim ng baha

mga dating kandidato ay mananalo pa kaya? 

ang mga taong sa pwesto nila ay nagpakasasa

sa panahong inilagi nila na napakahaba

baka makarinig lang ng matatamis na salita

ang mga tao ay muling manumbalik ang tiwala

7.

Kahit na ang halalan ay sa panahon ng tag-ulan

yaong mga nakapwesto pa rin ang nakalalamang

lalo na kung mas marami ang mga botanteng mangmang

na mga walang prinsipyo, utu-uto at bayaran

kaya’t kahit sa tag-ulan pa maganap ang halalan 

wala pa ring pagbabago sa mga nakagawian

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here