NAKATAKDA nang mag-renew ng kontrata ang beteranang broadkaster na si Korina Sanchez sa ABS-CBN.
Patuloy na mapapanood si Ate Koring ng lahat ng mga Kapamilya sa kanyang top-rating Sunday magazine show na Rated K at gabi-gabi bilang isa sa mga anchors ng equally top-rating na TV Patrol.
Ito ay ayon sa ipinadalang statement sa amin ng kanyang publicist na si Chuck Gomez. Ayon pa sa email na ipinadala ni Chuck, nagpahinga lang si Korina noong nakaraang Pasko pagkatapos libutin ang halos lahat na yata ng probinsya na sinalanta ni Yolanda sa Eastern at Western Visayas para tumulong at gumawa ng mga istorya para sa kanyang mga programa. Ngayon ay handa na siyang sumabak ulit sa trabaho.
Nagbakasyon man ng panandalian si Korina sa live airing ng TV Patrol noong nakaraang holiday season, pinag-usapan naman at patok ang kanyang mga special reports sa TV Patrol gaya ng “Kuwento Sa Likod Ng Balita,” ang “Tolda” na tumatalakay sa sinapit ng mga sinalanta ng Bagyong Yolanda sa Kabisayaan at ang kanyang espesyal na ulat tungkol sa nakaraang digmaan sa Zamboanga.
Tuloy pa rin si Koring sa kanyang Isang Milyong Tsinelas campaign sa pakikipag-tulungan sa ABS-CBN Foundation ngayong 2014.
Naging matagumpay ang Handog Tsinelas ni Koring para sa lahat ng mga kabataan sa Luzon, Visayas at Mindanao nuong nakaraang taon at nais niyang lagpasan ang na-achieve ng kanyang advocacy ngayong 2014.
Masaya rin daw ang broadcast journalist sa kanyang pagbabalik-eskwela. Kasalukuyan niyang tinatapos ang kanyang Master’s Degree sa Ateneo de Manila University.
Ayon kay Koring ,matagal nang nasa “bucket list” niya ang kanyang post-graduate studies at sa wakas, nahanapan na niya ito ng panahon.
Noong June 2013, humingi ng permiso si Koring sa pamunuan ng ABS-CBN na mag-leave muna mula sa kanyang top-rating radio program sa DZMM sa umaga, ang Rated Korina, ng isang semester.
“Muntik na akong ibagsak ng dalawa kong propesor dahil sa absences at late submissions kaya talagang hindi ko mapagsabay. Ang trabaho naman, nariyan lang at ang sabi naman sa akin ng mga boss kapag ayos na lahat ay makakabalik naman ako. Gusto ko na talaga itong iraos,” paliwanag ng beteranang brodkaster.
Iiwan ni Korina pansamantala ang kanyang radio program na nasa No. 1 na posisyon sa ratings. Pero naniniwala naman siya na kayang-kaya nina Amy Perez at Marc Logan ang timeslot.
“Sabi ko kina Amy at Marc, basta sana i-plug pa rin nila ang Tsinelas Campaign namin para sa mga bata.
Cute ang show nila,” magiliw na pag-endorse ni Koring sa pumalit sa kanyang timeslot. Naging maganda ang tapos ng 2013 kay Koring dahil humakot siya ng kaliwa’t-kanang awards. Ilan dito ay ang Anak TV Award para sa Rated K na napili bilang isa sa pinaka child friendly na palatuntunan sa telebisyon. Pinangaralan din si Koring sa ikatlong Makatao Awards for Media Excellence ng People Management Association of the Philippines o PMAP.
Pinangaralan si Koring ng prestihiyosong awards ng PMAP bilang Female Newscaster Of The Year habang Best TV Newscast naman ang TV Patrol kung saan co-anchor si Koring kasama nina Noli De Castro at Ted Failon.
“New Year’s wish ko na sana walang dumapo na kahit anong trahedya sa Pilipinas at tuluy-tuloy na ang paghilom ng Kabisayaan. Sana matapos ko itong pag-aaral ko na magaganda ang grades. Ha-ha-ha! Ang hirap, eh. May mga malalapit akong kamag anak na may sakit na sana gumaling na.
Sana mabayaran ko rin lahat ng obligasyon ko. Maliban doon, puro pagpapasalamat na. I can’t ask for anything more, sobra ang blessings ko na sana ituloy lang ng Panginoon ngayong taon,” pahayag pa ni Korina.