LUNGSOD NG MALOLOS – Pangamba at pananabik.
Ito ang magkahalong emosyon na nadarama ng maraming Bulakenyo, kabilang ang alkalde ng lungsod na ito hinggil sa pag-usig ng gobyerno kay dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo(GMA).
Bilang isang abogado, sinabi ni Natividad na ang mga unang hakbang na ginawa ng administrasyong Aquino kay GMA ay kakaiba at parang naghahamon ng debate.
“Very unusual yung naging process na ginawa like with (Benjamin) Abalos, di niya alam may kaso na pala siya,” ani Natividad at iginiit na dapat dumaan muna sa fiscal ang kaso upang matukoy kung may probable cause.
Dahil sa kalagayang ito, nagpahayag siya ng pangamba.
“Kung kaya nilang gawin iyon sa isang former President, how much more with an ordinary Filipino,” ani ng alkalde.
Sinabi ni Natividad na ang pag-usig kay GMA ay maaaring maging isang masamang halimbawa dahil sa “lumalabas na feeling obligated ang Aquino administration to stop the former President at all cost.”
Pinuntusan din ng alkalde ang sistema at mga huling kaganapan sa kaso ni GMA.
“The system is not good. There was a trial by publicity, now the government appeared to be wanting to satisfy the clamor of the people,” aniya at sinabing ang bawat kaso ay dapat suriin at timbangin batay sa mga inihaing ebidensya.
Sa kabila ng pangambang ito, sinabi rin ni Natividad na bilang isang abogado ay nananabik siya sa mga susunod na mangyayari.
Ito ay dahil sa marami ang matututuhan ng mga katulad niyang abogado sa pagdinig ng nasabing kaso.
“This will be a battle between legal luminaries, and lawyers will have a lot to learn, pero dapat walang emosyon, ebidensya lang,” aniya.
Kaugnay nito, nagpahayag din siya ng pangamba sa maaaring maging epekto ng nasabing kaso sa bawat Pilipino.
Ito ay dahil sa marami ang nalilito sapagkat walang malinaw na paliwanag na ibinigay ang magkabilang panig.
“Many are getting confused because not to many are explaining the case and the situation in a logical way, and everything becomes politically charged,” aniya at iginiit na dapat bigyang pansin ang pagpapaliwanag sa taumbayan.