SUBIC, Zambales – Patay habang ginagamot sa ospital ang isang karpintero matapos itong barilin ng isang Barangay Tanod sa Barangay San Isidro sa bayang ito.
Kinilala ni Police Senior Inspector Jelson Dayupay, hepe ng Subic police, ang biktimang si Renato Gravina, 50-anyos at residente ng Barangay San Isidro.
Sa inisyal na imbestigasyon ni SPO3 George Cruz, ang biktima ay sakay ng kanyang bisikleta papasok sa kanilang bakuran bandang 6:30 ng gabi ng harangin ito ng suspek na si Zaldy Nipay, 50-anyos, Barangay Tanod at komprontahin ito, hanggang sa barilin ito sa bunganga ng malapitan.
Sinikap ng asawa ng biktima na si Susana na tulungan ang asawa, subalit tinutukan din ito ng baril ng suspek kasabay ng salitang “isa ka pa”, kung kaya kumaripas din ito ng takbo papalayo sa suspek para iligtas ang sarili sa kamatayan.
Ang biktima ay kaagad na isinugod sa Our Lady Lourdes International Hospital sa Barangay Barretto, Olongapo City ng kanyang asawa at kamag-anak kung saan ito binawian ng buhay.
Ang suspek ay mabilis na tumakas sakay ng tri-bike kung saan ito ay narekober ng pulisya may 100 metro ang layo sa pinangyarihan ng krimen.
Patuloy naman ang isinasagawang follow-up operation ng Subic police sa agarang ikadadakip ng suspek at ang motibo sa pagpatay sa biktima.