KARAMBOLA NG 3 SASAKYAN
    1 patay, 5 sugatan

    219
    0
    SHARE

    MARIVELES, Bataan- Isang matandang babae ang patay samantalang lima ang sugatan nang kaladkarin ng pabulusok na container van ang kasalubong na magkasunod na van at tricycle sa pakurbadang bahagi ng kalsada sa Baseco, Mariveles, Bataan Biyernes ng umaga.

    “Nakasakay kami ni nanay at isa pang babae sa tricyle papuntang Cabcaben nang may sumalpok sa amin. Paggising ko, nakita kong nasa ilalim ng van si nanay,” pahayag ni Oyessa Morato, 22.

    Dumaraing na masakit ang paa ni Oyessa at may sugat sa iba’t-ibang bahagi ng katawan. Ginagamot siya sa Mariveles Rescue Medics sa tabi ng munisipyo.

    Ang hindi pa alam ni Oyessa ay patay na ang kanyang nanay na si Leonor Morato at dinala na sa isang morgue matapos ideklarang dead on arrival  sa Mariveles Medics.

    Bukod kay Oyessa, tricycle driver at isang babaing sakay ng tricycle, sugatan din ang driver ng van at asawa nito.

    Hindi pa malaman kung saang ospital sila dinala ngunit hindi naman umano kalubhaan ang kanilang mga sugat na tinamo.

    Ayon kay Donald Gabay, isang residente ng Baseco, nakita niyang nauuna ang van kasunod ang tricycle nang kaladkarin ng mabilis na bumubulusok na container van. Tinulungan pa umano niya ang mga sugatan ganoon din ang babaing patay na nasa ilalim ng van.

    Wasak na wasak ang unahang bahagi ng van at halos nagkayupi-yupi ang tricycle. Sira naman ang unahang bumper ng malaking truck.

    Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya sa pangyayari, sabi ni Supt. Melecio Buslig, Mariveles police chief.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here