Kapirasong basura bundok na problema

    144
    0
    SHARE

    Bahay, buhay, kabuhayan, imprastraktura, at public utilities… Sa isang iglap kayang agawin sa atin ng isang pagbaha, landslide, o tag-tuyot kaya, bunsod ng bagyo, baha, o ng ‘di inaasahang kakulangan sa pag-ulan.

    Idagdag ang kapabayaan o pagwawalangbahala, tulad ng ilegal na pagto-troso, o pagmi-minang hindi nakasunod sa inaasahang pag-iingat.

    At hindi na rin kaila ang unti-unting nagiging epekto ng climate change, bunsod ng global warming.

    Kaya tumataas na ang average temperature sa tag-araw, maging ang pagbuhos ng ulan na dala ng habagat at bagyo mula buwan ng Hunyo.

    Pero mas matindi pa kung tutuusin, ang mga ‘di napapansing maling gawi, tulad ng iresponsableng pagtatapon ng pira-pirasong basura sa lansangan, irrigation canals, at ibang waterways.

    Laganap ito sa maraming bahagi sa Kamaynilaan, sa mga kabisera, o sa malalaking komunidad… Sa mga lugar na maraming estudyante, mga nag-oopisina, umuupa, pumapasyal, nagtitinda, namimili, o nagde-deliber kaya.

    At sa paligid ng mga establisimyento may mga squatter, sidewalk vendor, paradahan, mga naglalako ng kung anu-ano. Maraming tao maghapon, kung minsan magdamagan.

    Para gumalaw ang tao, kailangan ng kung ano-anong consumables, tulad ng pagkain, inumin, tisyu, diaper, at mga toiletries…

    Mga panimpla o sangkap sa pagkain, pagluluto, vetsin, o dili kaya’y kendi, sigarilyo, posporo, na nabibili sa daan, paisa-isa, patingi-tingi.

    Sa ating bansa, kalahati hanggang isang kilong basura ang tinatapon ng bawat tao bawat araw.

    Kaunti ito kumpara sa Amerika, kung saan bawat tao ay nagtatapon ng dalawa hanggang dalawa’t-kalahating kilo ng basura bawat araw.

    Mayroon din naman ilang pasilidad, tulad ng 100-hectare Clark Sanitary Landfill sa Kalangitan, Capas, Tarlac.

    Dito naitatapon ang basurang mula sa iba’t-ibang karatig lungsod at lalawigan, tulad ng Pampanga, Bulacan, hanggang Rizal province.

    Bagama’t sakop na ng Tarlac ang landfill, naging problema pa rin sa Tarlac City ang flash floods sanhi ng mga baradong drainage canals patungong Tarlac River, batay sa mga nakaraang ulat.

    Paano na-remedyuhan? At ano ang natuklasan?

    Binakbak ang mga pavement sa ibabaw ng mga kanal sa tapat ng Tarlac City Public Market at, gamit ang mga sungkit at back-hoe, “in-extricate” ang nakabarang basura.

    Umabot sa 20 truck ng basura ang nakabara pala sa mga kanal sa bahagi ng palengke. Ang bumarang basura ang dahilan kung bakit hindi nakadadaloy ang tubig baha patungong ilog.

    Heto ang mga nahukay, ayon sa City Engineer’s Office: Plastic bottles, styro cups, styro food packs, plastic cups, plastic retail sachets para sa shampoo, conditioner, vetsin, paminta, choco drink, juice drink, buko drink, iced tea, powdered milk, kape, asukal, iba’t-ibang uri ng kaha ng sigarilyo, cigarette butts, at mga plastic na supot na may laman pang basura.

    Lahat mga retail consumables na ‘di naitapon sa tamang paraan ng mga residente at mga transient sa kabisera. Kung 20,000 sila, 10 toneladang basura ito araw-araw, minimum.

    Isa sa bawat sampung piraso na lang ang naitapon sa maling paraan, isang tonelada pa rin ito bawat araw – na babara sa kanal!

    Maaaring may nagwawalis sa daan kapag weekdays. Ngunit makaraan ang pagwawalis, may panibagong basura. Kung sakaling umulan, ang mga ‘di nawalis ay inaanod ng ulan hanggang sa malagak sa drainage canals.

    Mistulang sumpal ang basura sa malaya sanang daluyan ng tubig ulan, o tubig baha.

    Resulta: Mas matindi, mas nakamamatay na baha… na ‘di hamak, gawa ng simpleng kapabayaan ng mga tao.

    Sa mga nakaraang kolum tinalakay natin ang paghahanda sa mga baha at tagtuyot bunsod ng pagbabago sa klima at may bago nang mga diskarte sa pagsasaka at pangingisda.

    Sa inakda kong Depensa Bill, lahat ng LGU na bubuo ng programa ng paghahanda laban sa mga sobrang pag-ulan, tagtuyot, pagtaas ng temperatura sa dagat at iba pang dahan-dahang pinsalang bunsod ng climate change ay mabibigyan ng kaukulang pondo.

    Isama na sa programa ng paghahanda ang attitude change… at maging masinop na rin sa pagtapon ng basura.

    Munting basura, bundok na problema. Ang kapirasong basurang naitapon sa maling paraan, kalauna’y kapalit ang hagupit ng kalikasan.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here