Home Headlines Kapangyarihan sa Likod ng Pahayag: Pagtitiwala o Panggigipit?

Kapangyarihan sa Likod ng Pahayag: Pagtitiwala o Panggigipit?

443
0
SHARE

SA UNANG tingin, walang masama sa pahayag ni Leyte Representative at dating Speaker Martin Romualdez. Sino ba naman ang tatanggi sa “kumpiyansa” sa isang institusyon tulad ng Office of the Ombudsman? Ngunit kung babasahin nang mas malalim ang kanyang salita, “may taglay itong manipis ngunit malinaw na “subtext” o nakatagong mensahe—isang paraan ng paghubog ng naratibo sa publiko na maaaring makaapekto, hayagan man o hindi, sa direksiyon ng imbestigasyon.
Kapuri-puri raw ang kanyang “boluntaryong pagdalo” sa ICI at ang kanyang “malinis na konsensya.” Ngunit kailan pa naging sukatan ng kawalang-sala ang pagdalo sa isang hearing?
Kailan pa naging depensa ang pagbanggit ng malinis na konsensya, samantalang ang mga kasong nakasampa ay pawang may prosesong dapat sundin at ebidensiyang dapat timbangin?
Sa ganitong pahayag, tila sinusubukang ilatag ni Romualdez sa publiko—at sa Ombudsman mismo—ang isang naratibo: na wala siyang kinalaman, at ang anumang resulta na taliwas doon ay taliwas din sa “katarungan.”
Hindi ba’t ito mismo ang taktika ng mga politikong sinusubukang unahan ang mga imbestigasyon? Maglabas ng maagang pahayag, idiin ang pagiging “malinis,” at iposisyon ang sarili bilang biktima ng intriga. Sa ganitong paraan, nababahiran ng pampublikong panggigipit o pressure ang mga institusyon na dapat ay gumagana nang walang takot at walang kinikilingan.
At narito ang pinakamahalagang tanong: Kung talagang walang dapat ikabahala, bakit kailangan pang bigyang-diin na “impartial” at “thorough” ang Ombudsman—na para bang may dapat itong patunayan sa kanya? Bakit kailangan pang sabihin sa publiko kung paano dapat magdesisyon ang isang independent constitutional body?
Sa ilalim ng retorika ng tiwala, naroon ang mas tahimik ngunit mas matalim na mensahe: na ang paborableng desisyon ang siyang “makatarungan,” at anumang kabaligtaran nito ay taliwas sa kanyang isinapublikong imahe ng kawalang-sala. Ito ang nagiging problema kapag mas mabigat ang puwersang politikal ng mga sangkot: kahit ang isang simpleng pahayag ay nagiging kasangkapan ng impluwensya.
Bagama’t malaya at hiwalay sa impluwensiya ang Ombudsman ayon sa Saligang Batas, hindi ito lubos na ligtas sa tibok ng opinyon publiko—lalo na kung ang tibok na ito ay sinasadyang hinuhubog ng makapangyarihang tinig.
Ang tunay na tiwala sa proseso ay tahimik. Hindi ito maingay. Hindi ito kailangang ipahayag sa press release. At higit sa lahat, hindi ito naglalatag ng narrative na siya mismong makikinabang.
Sa bandang huli, ang dapat nating ipaglaban ay hindi ang “kumpiyansa” ng mga iniimbestigahan, kundi ang kalayaan at integridad ng sistemang sisiyasat sa kanila. Ang kaso laban kay Romualdez ay hindi dapat manatili sa antas ng mga pahayag sa media. Dapat itong nakabatay sa ebidensya, proseso, at katotohanan— hindi dahil sa PR, hindi dahil sa retorika, at hindi rin dahil sa maingat na mensaheng may halong pampulitikang panggigipit.
Kung malinis nga siya, hayaang ang Ombudsman mismo ang magsabi nito—hindi siya.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here