HINDI na bago ang isyung may ‘ninja cops’
na nagre-‘recycle’ nitong ‘illegal drugs’
at iba pang bagay na labag sa batas,
na napasakamay n’yan ‘by means of buy-bust’.
Dahil bago pa man maupo si Digong
at mga sinundang niyang sina P-Noy,
PGMA, Erap, Cory at si Macoy,
mayrun na n’yan, di lang kasing grabe ngayon.
Sanhi na rin nitong alagad ng batas
pa mandin sa ngayon itong nagtutulak
ng pakilo-kilong shabung nakulimbat
nitong umano nga’y ungas na ‘ninja cops’,
Kung saan di tayo nakasisiguro
na ‘yan sa PDEA bago dalhin nito
ay di nabawasan kahit ilang gramo
ang huli n’yan, halimbawang isang kilo.
At baka higit pa ang maari nilang
makulimbat kapag bulto-bulto na r’yan
ang matiklo nila’t bago isumbong n‘yan
sa nakatataas, bawas na syempre yan.
At ito nga bale ang ang nirere-‘recycle’
nitong mga ‘ninja cops’ nating pasaway,
na tunay naman ding walang kabusugan
gayong dumoble na halos ang sahod n’yan.
At ‘yan ang mitsa kung bakit patuloy pa
ang paglaganap ng iligal na droga,
sa kabila nitong napakaigting na
kampanya ng PNP at ng PDEA.
Na hayan, at ito’y sigi-sige pa rin
ang pagtutulak na di mapigil-pigil
ng ating gobyerno pagkat ya’y madaling
makakuha mismo sa ibang pulis natin.
Kung totoong di na lingid kay Pangulo
ang ‘identity’ ng mga pulis na ito,
bakit di ibulgar n’yan kung sinu-sino
at ipadakip sa kabaro n’yan mismo?
Hihintayin pa ba niyang makatakas
itong kung binyagan niya ay ‘ninja cops’
bago kumilos at ipakulong lahat
ang mga pulis na naligaw ng landas?
Kung kamay na bakal ang kinakailangan
para tumino ang ibang kapulisan,
na nagagawa pa nilang pagtaksilan
ang gobyerno, bunga lang ng kamunduhan,
At nang pagkagumon sa masamang bisyo,
gaya ng sugal at pagsinghot ng shabu,
dalawa lang ang patutunguhan nito:
kundi pagkakulong…tiyak sementeryo!
Nasaan na itong ani Doktor Rizal
sa araw ng bukas pagasa ng bayan,
kung kagaya nga n’yang pitong taon pa lang
ang edad ng iba gumon na sa ganyan?