KA-ANAK POLITICS:
    Magkakapares na mag-ama ang mga kandidato

    143
    0
    SHARE
    SAN RAFAEL, Bulacan—Hindi lang simpleng magkakamag-anak ang ilan sa mga kandidato sa Bulacan sa halalan sa Mayo, sa halip ay magkakapares na mag-ama.

    Bukod diyan, mayroon ding mag-asawa, magkapatid, magtiyuhin, at magpinsan.

    Karaniwan sa kanila ay magkapartido, at magkaiba ang posisyong kinakandidatuhan, ngunit mayroon ding hindi magkasama sa isang partido. Mayroon ding mag-ama na magkalaban sa iisang posisyon katulad sa bayang ito.

    Kandidatong muli sa pag-kongresista si Mayor Ricardo “Tata Carding Silverio, Sr., (Lakas-Kampi-CMD) ng bayang ito, ngunit isa sa kanyang makakatunggali ay ang kanyang anak na si Ricardo “Ricky” Silverio ng Partido ng Masang Pilipino (PMP).

    Si Tata Carding ay nagsilbing Kongresista ng ikatlong distrito ng Bulacan mula 1992 hanggang 2001, kung kailan nagpalit sila ng puwesto ng kanyang maybahay na si Lorna  “Tita Lorna” Silverio na noo’y alkalde ng San Rafael at ngayon ay kasalukuyang Kongresista.

    Sa halalan sa Mayo, muling magpapalit ng posisyon ang mag-asawang Silverio. Si Tita Lorna ang muling kandidato bilang alkalde at si Tata Carding, 80, ang muling kandidato bilang Kongresista kung saan makakatunggali niya si Ricky at si Gob. Joselito Mendoza (Del Pilar, Liberal Party).

    Ayon kay Tata Carding, hindi siya nababahala sa kandidatura ng kanyang anak, ngunit umaaasa siya na magbabalik sa tuwid na pananaw ang kanyang anak.

    “I wish he will come to his senses para maunawaan niya kung ano ang ginagawa niya sa kanyang magulang,” ani Tata Carding.

    Sinabi niya na ginamit at binayaran lamang ni Gob. Mendoza ang kanyang anak na si Ricky upang madiskaril ang kanyang kampanya.

    Ngunit itinanggi naman ito ni Mendoza na nagsabing, “kung gagastos ako para sa ibang kandidato, hindi na.  Sa sarili ko na lang gagamitin yung pera ko.”

    Ang labanan sa pagitan ng mag-amang Silverio ay hindi sa Bulacan lamang nangyayari, dahil maging sa bayan ng Mabalacat, sa lalawigan ng Pampanga ay may katulad itong kaso.
    Magkatunggali sa iisang posisyon ang reeleksyunistang si Mayor Marino “Boking” Morales ng Mabalacat at ang kanyang anak na si Marjorie Morales-Sambo.

    Ngunit ang kaso ng mag-amang Silverio ay namumukod-tangi sa Bulacan ngayon, dahil karaniwang magkakakampi ang mga magkakapamilya sa kanilang laban sa pulitika.

    Katulad ng mag-amang Edmundo Jose “Pop” Buencamino at Felipe Miguel “Pippin” Buencamino ng bayan ng San Miguel.

    Si Pop ay nagsilbing akalde ng San Miguel noong 2004 hanggang 2007, samantalang si Pippin ay nagsilbing municipal administrator ng San Miguel sa nasabing panahon.

    Sa kasalukuyan, si Pop ay kandidatong muli bilang alkalde sa ilalim ng PMP. Samantalang si Pippin na katambal niya ay kadidato bilang independienteng bise alkalde.

    Ayon kay Pop, aksidente lamang ang pagtatambal nilang mag-ama dahil sa umurong ang kausap niya na kakandidato sanang bise alkalde.

    Bukod naman sa mga nabanggit na tambalan ng mag-ama sa pulitika, narito ang iba pang tambalan ng mag-amang pulitiko sa Bulacan.

    Kabilang sa listahan ay ang kandidato ng Bangon Pilipinas Party sa pagka-Pangulo ma si Eduardo “Bro. Eddie” Villanueva Sr., at anak niyang kapangalan na si Eduardo “Jonjon” Villanueva Jr., ang reeleksyunistang alkalde ng bayan ng Bocaue.

    Sa bayan ng Sta.Maria dalawang mag-amang pulitiko ang kandidato.

    Una ay sina dating Public Works undersecretary Ador Pleyto na nagsumite ng kanyang kandidatura bilang kongresista ng ika-apat na distrito ng Bulacan, at ang kanyang anak na si Russel na isang reeleksyunistang bise-alklade.

    Ngunit ayon sa mga taga-suporta ng matandang Pleyto, tumigil na ito sa kampanya dahil sa nagkasakit.

    Ikalawa ay ang mag-ama at magkapangalang Anselmo Adriano Sr., at Konsehal Anselmo “Ansel” Adriano Jr.

    Ang matandang Adriano ay ikalawang nominado ng Agham Party-list, samantalang si Ansel na nahalal na numero unong konsehal ng Sta. Maria noong 2007 ay kandidato ngayon bilang alkalde ng Sta. Maria.

    Si Ansel ay unang kumandidato sa ika-apat na distrito ng Quezon City bilang kongresista at konsehal noong dekada 90.

    Sa bayan ng Norzagaray, kandidato muli bilang alkalde si Feliciano Legazpi, samantalang ang kanyang anak na si Arthur ay kandidato rin sa ilalim ng Lakas-Kampi-CMD bilang konsehal ng bayan sa unang pagkakataon.

    Sa Lungsod ng San Jose Del Monte, kandidatong bise alkalde si dating Bokal Enrique “Ike” Delos Santos, Sr.,  (Nacionalista Party), at ang kanyang anak na si Enrique “Jonjon” Delos Santos ay reeleksyunistang Bokal sa ika-apat na distrito ng Partido Del Pilar.

    Sa lungsod ng Malolos, kandidatong muli si Bokal Vicente Cruz sa ilalim ng Lakas-Kampi-CMD, samantalang ang kanyang anak na si Vinson ay kandidato ng Liberal Party bilang konsehal ng lungsod.

    Sa bayan ng San Rafael, kandidato rin si dating Mayor Jessie Viceo ng PMP bilang alkalde at ang kanyang anak na si Jaime “Jovel” Viceo bilang konsehal.

    Marami din ang magkakapatid na kandidato sa halalan sa Mayo.

    Nangunguna sa listahan ang magkapatid na sina dating Gob. Josie Dela Cruz na kandidato bilang gobernador at Gob. Joselito Mendoza na kandidato bilang kongresista sa ikatlong distrito.

    Ang katambal naman ni Dela Cruz bilang bise gobernador ay si Boy Aniag na isang dating Bokal.  Si Aniag ay nakababatang kapatid ni Jun Aniag, ang dating Kongresista ng unang distrito na nagsumite ng kandidatura bilang Kongresista ng Lone District ng Malolos na ibinasura ng Korte Suprema.

    Plano ni Jun Aniag ngayon ay kumandidato bilang kongresista sa isasagawang special elections para sa kongresista ng unang distrito.

    Tatlong anak naman ng yumaong si Senador Blas F. Ople ng Hagonoy ang kandidato.

    Sila ay sina Susan “Toots” Ople na kandidato ng Nacionalista Party bilang senador; dating Hagonoy Mayor Felix “Toti” Ople na kandidato ng Partido Del Pilar-LP bilang Bokal sa unang distrito; at Dalisay Ople-San Jose na kandidato sa bayan ng Hagonoy bilang Bise Alkalde sa ilalim ng Lapiang K.

    Ang mga pinsang buo naman nilang sina Jong at Ayee Ople ay kandidato rin.

    Si Jong ay kandidato bilang konsehal ng Malolos sa ilalim ng Liberal Party, at si Ayee na kasalukuyang konsehal ng Malolos ay kandidato bilang Bokal sa unang distrito ng Lakas-Kampi-CMD.

    Sina Jong at Ayee ay mga anak ni dating Bise-Gob. Bernardo Ople, ang nakababatang kapatid ng yumaong si Senador Ople.

    Hindi rin nagpahuli ang magpinsang Konsehal Dennis San Diego at Laurens Jan Domingo.  Si San Diego ay kandidato bilang bise alkalde ng Malolos, samantalang si Domingo ay kandidato ngayon bilang konsehal. 

    Sila ay kapwa pamangkin ni mayor Danilo Domingo, na naudlot ang kadidatura bilang kongresista ng Lone District ng Malolos na ibinasura ng Korte Suprema.

    Sa hanay naman ng mag-asawang kandidato, nandiyan sina Bise Gob. Willy Alvarado na kandidato ngayon bilang gobernador at ang kanyang maybahay na si Marivic Alvarado, ang reeleksyunistang kongresista ng unang distrito ng Bulacan.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here