Justice-on-Wheels ikinatuwa ng mga Bulakenyo

    519
    0
    SHARE
    LUNGSOD NG MALOLOS – Isang mahalagang inobasyon sa sistemang pangkatarungan ng bansa ang proyektong Justice-on-Wheels ng Korte Suprema na inilunsad sa Bulacan noong Abril.

    Ito ang inahayag ni Gob. Jonjon Mendoza  kasabay ang kanyang pasasalamat matapos iulat ng tagapagtaguyod ng nasabing proyekto ang mga na-accomplish  nito sa ilang kaso sa lalawigan.

    Ayon kay Atty. Roderick Fernandez, supervising mediator ng Philippine Mediation Center-Bulacan, sa pamamagitan ng Justice-on-Wheel, naipaparating sa grassroots level ang mga solusyong pangkatarungan sa pamamagitan ng mobile court na sistema.

    Matatagpuan sa Justice-on-Wheels ang court at  mediation room kung saan isinasagawa  ang nasabing alternatibong pamamaraan sa pagresolba ng mga kaso upang mapabilis ang resolusyon dito.

    Sa tala ng Justice-on-Wheels mula April 27 hanggang Mayo 29, 2009, umabot sa  105 ang mga referred cases, ang successful mediation ay 22, failed mediation ay 10, back to court ay dalawa at ang patuloy na dinidinig ay  71. Sa kabuuan, nasa 32 kaso ang naresolba na at hindi na kailangan pang umabot sa korte.

    Tumatayong mediator ang 10 volunteer worker na pawang mga propesyunal tulad ng dating kawani ng korte at gobyerno, inhinyero, pastor, at propesor na accredited ng Supreme Court.

    Samantala, itinuturing naman ni Mendoza na mahalagang tulong sa pagkamit ng layunin ng programang Five Pillars of  Criminal Justice System ang Justice-on-Wheels.

    Ayon kay Mendoza, layon ng nasabing programa ng pamahalaang panlalawigan na mapabilis ang  proseso ng mga kaso ng mga bilanggo na matagal nang nakabinbin sa iba’t ibang korte sa lalawigan at ma-decongest o mabawasan ang bilang ng detention at reception ng mga bilanggo sa panlalawigan at pambayang piitan.

    “Pareho ang layunin ng nasabing mga proyekto at dahil dito, mas nabibigyan ng pag-asa ang mga nahaharap sa mga kaso sa mas mabilis na paraan,” ani Mendoza.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here