Jonjon, Rosemoor mining binantaan ni Atienza

    522
    0
    SHARE
    MARILAO, Bulacan—Kakasuhan ko kayo! Magkakasuhan kami!

    Ito ang babala ni Environment Secretary Lito Atienza kay Gob. Joselito Mendoza at sa  Rosemoor Mining and Development Corporation (Rosemoor) na nagbanta sa isat-isa na magsasampa ng kaso dahil sa mga alegasyong may kaugnayan sa pagmimina ng mamahaling tea rose marble sa mineral reservation area ng Biak-na Bato.

    “Paiimbestigahan ko ang mga kaso at reklamo nila and we will file possible charges kung mapapatunayan ang kanilang paglabag,” ani Atienza nang siya ay makapanayam sa Prenza Dam sa bayang ito noong Linggo, Marso 29 kaugnay ng pagdiriwang ng Philippine Water Week.

    Ang paiimbestigahan ni Atienza ay ang alegasyon ni Mendoza na nagsasagawa ng pagpapasabog ang Rosemoor sa pagmimina nito ng mamamahaling tea rose marble sa Bundok ng Nabio na nasasakop ng mineral reservation area ng Biak-na-Bato.

    Maging ang alegasyon ng Rosemoor na harassment o panggugulo ni Mendoza sa paghahakot ng marmol ng Rosemoor ay paiimbestigahan ng Kalihim.

    Hinggil sa alegasyon ng paggamit ng Rosemoor ng pampasabog, sinabi ni Atienza na labag iyon sa nakatakda sa permisong ibinigay nila sa Rosemoor.

    Sinabi niya na, “dapat ay wiresaw ang ginagamit nila at hindi blasting.”

    Gayunpaman, sinabi niya na ang kanyang desisyon ay depende sa magiging resulta ng imbestigasyon na kanilang isasagawa sa linggong ito.

    Iginiit naman ng ni Zenaida Pascual, ang biyuda ni Inhinyero Constantino Pascual, ang dating pangulo ng Rosemoor na pinaslang noong Hunyo, na hindi sila gumagamit ng pampasabog dahil mayroon silang 10 wiresaw na ginagamit sa pagtabas ng tea rose.

    Hinggil naman sa alegasyon ng Rosemoor laban kay Mendoza, sinabi ni Atienza na, “Ang hanapbuhay ay hindi dapat ginagambala kung legal dahil kailangan natin ang mga negosyo sa bansa.  Dapat ay sinusuportahan ang mga negosyo dahil lumilikha iyan ng trabaho.”

    Ayon sa Rosemoor, nagtayo ng checkpoint ang mga tauhan ng kapitolyo sa pangunguna ng mga kawani ng Environment and Natural Resources Office (ENRO) kasama ang lokal na pulisya at ang civil security ng kapitolyo sa pangunguna ng retiradong pulis na si Supt. Benjamin Velasco.

    Ang nasabing checkpoint ay matatagpuan sa kalsadang nag-uugnay sa Brgy. Sibul, San Miguel at Brgy. Kalawakan, DRT na dinadaanan ng mga trak na humahakot ng mga marmol na namina ng Rosemoor.

    Ayon kay Pascual, hinarang sa ng nasabing checkpoint ang kanilang trak noong Lunes, Marso, 23 at inihulog ang bloke ng marmol na nakakarga sa likod ng trak gamit ang isang backhoe.

    “It’s pure harassment, we are legally operating with Mineral Production Sharing Agreement (MPSA) at may OTP (ore transport permit) kami,” ani Pascual.

    Sinabi pa ni Pascual na kakasuhan nila si Mendoza dahil sa ginawa nitong panghaharang na naging dahilan upang matigil ang kanilang operasyon.

    Para naman kay Mendoza, sinabi niyang nakahanda niyang harapin anumang kaso at magsasampa rin siya ng kaso laban sa Rosemoor.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here