LUNGSOD AGHAM NG MUÑOZ (PIA) — Binisita ni Israeli Ambassador Ilan Fluss ang mga proyektong pang-agrikultura sa Nueva Ecija.
Sa kanyang mensahe ay sinabi ni Fluss ang kahalagahan ng pakikipag-ugnayan upang makatulong sa mga magsasaka, mga komunidad at sa mga pangangailangan ng bansang Pilipinas tulad sa agriculture productivity at pag-abot ng food security.
Layunin ng kaniyang pagbisita na makausap mismo ang mga magsasaka, punong ehekutibo ng mga lokal na pamahalaan at pribadong sektor gayundin ay personal na makita ang mga proyektong naging bunga ng kanilang pagtutulungan.
Kasama sa mga binisita ni Ambassador Fluss ang mga techno demo sites ng Philippine-Israel Smart Agriculture Extension and Training Services o PhIlSmart Project partikular ang Automated Drip Irrigation in High Value Crops sa Central Luzon State University o CLSU sa lungsod agham ng Muñoz, KALASAG Multi-Purpose Cooperative sa lungsod ng San Jose at Gines’ Farm sa bayan ng Llanera.
Ang mga ito ay kabilang sa 10 set na Automated Drip Irrigation na ipinagkaloob ng gobyerno ng Israel sa pagtutulungan ng Israel’s Center for International Development Cooperation, University Extension Center ng CLSU at Shalom Club of Nueva Ecija-Philippines.
Ang naturang teknolohiya ay ginagamit sa water at fertilizer management sa mga sakahan sa pamamagitan ng cellphone o mobile application na kayang gawing automated ang pagdidilig at paglalagay ng pataba sa mga pananim.
Pahayag ni CLSU Vice President for Research and Extension Armando Espino Jr., simula pa taong 2006 ay patuloy na ang pagtulong ng gobyerno ng Israel sa mga magsasakang Nobo Esihano nang maitatag ang Philippine-Israel Center for Agricultural Training Project sa CLSU.
Sa naturang programa aniya ay maraming ng magsasaka, kawani ng mga lokal na pamahalaan at unibersidad ang nag-aral at nagsanay sa bansang Israel upang matuto ng mga pamamaraan sa pagsasaka partikular sa vegetable production at paggamit ng post-harvest technologies.
Bukod pa rito ang Israel Internship Program at ang PhIlSmart Project na malaking tulong para sa mga magsasaka, lokal na pamahalaan at mga estudyante.
Lubos ang pasasalamat ni Espino sa lahat ng mga hakbang at pagsusumikap ng embahada na mailapit ang mga teknolohiya at mga programang makatutulong sa mga magsasakang Pilipino. (CLJD/CCN-PIA 3)