“Saan kayo kumukuha ng kapal ng
mukha?” ang tanong ni PNoy nang harapan
Sa nakaraan niyang SONA sa Batasan
Patungkol sa aniya ay katiwalian
Na namamayani sa Bureau of Customs,
Gaya ng ilegal na pagpasok nitong
‘Luxury items’ at iba pang produktong
Di ibinayad ng buwis (kung di Tong?)
Kung saan bagama’t di pinangalanan
Ni PNoy ang kanyang pinatatamaan,
Na posibleng sangkot ay para na rin niyang
Pinagbibitiw ang kinauukulan;
Na aniya’y tukoy na (kung sinu-sino yan?)
Ay natural lang na mayrung masasaktan;
Partikular na riyan ang mga opisyal
Ng naturang ahenysa o kawanihan
Na sadyang matapat sa takdang tungkulin
At ginagawa ang nararapat tupdin,
Pero sa kabila ng kanyang pagiging
Malinis ay ganyan ang palipad hangin
Na mamutawi sa labi ng Pangulo,
‘In public’ at dinig ng lahat ng tao,
Kahit gaano ka kabanal siguro
Masasaid ng husto ang pasensya mo.
Tulad halimbawa r’yan ni Ruffy Biazon,
Na Commissioner ng ating Bureau of Customs;
Danilo Lim, Tanada’t iba pang taong
Nasaktan kahit di direktang tinukoy
Ang mga pangalan ng aniya’y malapit
Na n’yang makaharap – at ang di pagbanggit
Kung sinu-sino yan ay parang parinig,
Na yan ay marapat nang kusang umalis?
At kung di magawa ang dapat gampanan
Ay di sukat manatili sa tanggapan
Ng Aduana itong kahit na sino riyan,
Ang sa SONA nito’y mariing tinuran?
Pero nang mag-tender na ng resignation
Itong sina Commissioner Ruffy Biazon
At mga Deputy sa Bureau of Customs,
Ano’t tila biglang kumambyo si PNoy?
At tiniyak niyang napakalaki pa
Ng tiwala nito kay Biazon, sabi pa;
At batid kung ga’no kahirap talaga
Itong pinipilit nilang ireporma.
Sumunod na nag-tender ng resignation
Ay ang Deputy Commissioner sa Customs
Na si Danilo Lim, na sinundang nitong
Si Juan L. Tanada, na tinext kay Biazon
Na nagsabing napanood umano niya
Ang SONA ni PNoy kaya bilang isa
Na mabuting kawal marapat sundan niya
Kung ano’ng kay Biazon, bilang kortesya
Para sa Pangulo upang bigyan ito
Ng ‘free hand’ kumbaga upang masiguro
Niyang malaki pa ang tiwala nito
At talagang kaya niya ang trabaho.
Nag-file ng kanyang resignation si Biazon,
Pero tinanggihan ni Pangulong PNoy;
At ang kina Lim at Tanada’y parehong
Di pa inaksyonan magpa-hanggang ngayon;
Kung ganun, ano yang mga resignation?
At “kapal ng mukha” na kanyang tinukoy?
Upang di maging ‘moro-moro’ ang aksyon,
Makabubuting gawing “irrevocable!”