GUIMBA, Nueva Ecija – Walong koponan ng homegrown players mula sa iba’t ibang bayan sa unang distrito ng Nueva Ecija ang maglalaban-laban sa double round-robin basketball event na itinataguyod ng GP Partlist at Atty. Padiernos Movement.
Pormal na binuksan ang 1st Atty. JP Padiernos Intertown Basketball Tournament sa seremonya na dinaluhan ng basketball stars na sina Cyrus Baguio at Gilas Pilipinas member Scottie Thompson sa municipal gym ng bayang ito nitong Sabado.
Nagbigay sigla rin ang presensiya ng mga showbiz personalities na sina Enzo Pineda at Asley Ortega.
Ayon kay Atty. JP Padiernos, secretary general ng GP Partylist, ang paliga ay bahagi ng kanilang adbokasiya sa youth development. Ang nasabing partylist ay kinakatawan sa Kamara de Representantes ng kanyang ama na si dating Nueva Ecija Vice Gov. GP Padiernos.
May siyam na bayan sa unang distrito subalit hindi umano nakapagpadala ng kalahok na koponan ang bayan ng Quezon. Ang mga kalahok na koponan ay mula sa mga bayan ng Aliaga, Talavera, Sto. Domingo, Guimba, Licab, Nampicuan, at Zàragoza.
Bukod sa isports ay isinusulong ng AJPM at GP Partylist ang iba pang proyektong pang-kabataan, kabilang ang pagpapaaral sa Metro Manila ng ilang kabataan para sa larangan ng edukasyon, ayon kay Padiernos.
Dumalo rin sa pagbubukas ng liga ang ilang alkalde ng distrito, kabilang sina Flor Esteban ng Cuyapo, JR Santos ng Talavera, Victor Badar ng Nampicuan, at Jesulito Galapon ng Guimba.
Naroon din sina 1st District board member Bopet Dizon at GP Partylist second nominee Lemon Umali.