Interconnection ng PLDT at Globe sa Bulacan sinimulan

    372
    0
    SHARE

    LUNGSOD NG MALOLOS – Mas makakatipid na ngayon ang mga landline subscriber ng Globe Telecoms at Philippine Long Distance Telephone Company (PLDT) sa Bulacan.

    Ito ay dahil sa network interconnection ng dalawang malalaking kumpanya na nangangahulugan na hindi na magbabayad ng long distance charges ang kanilang mga kostumer sa lalawigan.

    Ayon kay Gob. Wilhelmino Alvarado, ang pagsasanib puwersa ng dalawang telecom giants ay malaking katipiran at makapagbibigay ng mas maraming oportunidad para sa mga Bulakenyo.

    Binigyang diin niya na sa mahabang panahon ay binalikat ng mga Bulakenyong landline subscriber ng Globe Telecoms at PLDT ang singil sa long distance kahit halos magkapitbahay lamang ang nagtatawagan.

    “Napapanahon ang network interconnection nila dahil sa hindi pa tuluyang nakakabangon sa kalamidad ang malaking bahagi ng Bulacan,” ani Alvarado.

    “Through this, we will be making Bulacan closer to the people, at makakasigurado kayo sa effective, efficient at affordable na pakikipag-communicate,” ani National Telecommunications Regional Director Azor Sitchon ng Region III.

    Ipinaliwanag naman ni NTC Commissioner Gamaliel Cordova ang kabutihang dulot ng nasabing interconnection.

    “Yung dating long distance call na tawag from Globe landline to PLDT or vice versa, ngayon magiging local call na, so mas magiging mura na plus it will attract business. Dito kasi hindi lang yung kita ang tinitingnan ng mga nasabing kumpanya kundi yung makapagbigay din ng magandang serbisyo sa publiko,” ani Cordoba.

    Idinagdag din naman ni Abogado Froilan Castelo, head for Corporate and Legal Services Group ng Globe, na magiging malaking bagay ang nasabing proyekto para sa investment at karagdagang empleyo sa lalawigan ng Bulacan.

    Ang pagpapatupad sa nasabing interconnection bunga ng pagpapatibay ng Sangguniang Panlalawigan sa Resolusyon Bilang 2011-04 sa mga major telecommunication operators sa lalawigan.

    Ang Bulacan ang ikatlong probinsya na nagkaroon ng globe at PLDT interconnection kasunod ng Lungsod ng Davao at lalawigan ng Pampanga.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here