Iniwang bangus ni Glenda sa winasak na palaisdaan inaani na

    343
    0
    SHARE

    ORANI, Bataan- Nagsimula nang magdatingan sa fishport noong Sabado ang bangus na inaani sa bayang ito na may pinakamaraming palaisdaan at pinakamalaking consignacion para sa mga isda, alimango at hipon..

    Ayon kay Vic Santos, galing sa palaisdaan niya sa Orani ang mga bangus na dinala niya sa consignacion.

    Ang mga isdang ito, aniya, ay naiwan at hindi nakalabas sa palaisdaan nang manalasa ang bagyong Glenda.

    “Maraming bangus ang nawala, napunta sa dagat,” sabi ni Santos. Halos nasira, aniya, ang mga palaisdaan sa harap ng Manila Bay sa mga bayan ng Orani, Samal, Abucay, Balanga City at Pilar.

    Ang bangus ay inaani matapos ang apat na buwang pag-aalaga. “Maraming bangus ang nakakawala na aanihin na lamang,” sabi ng fishpond owner. Ayon kay Santos, ang presyo ng bangus ngayon sa consignacion ay P100 isang kilo sa primera klase at P80 at P70 sa segunda at tercera klase.

    “Medyo dumagsa ang bangus dito sa consignacion kinabukasan pagdating ni Glenda. Maraming dumating sa loob ng tatlong araw,” sabi ni Freddie Manalata, fish fee collector. Ang bangus na P70 – P80 isang kilo ay naging P40 –P50 noon.

    Batay sa rekord ng consignacion, bumaba ang volume ng delivery ng bangus kumpara noong wala pa si Glenda.

    “Malaki ang reduction dahil halos lahat ng palaisdaan sa Orani lumubog,” sabi ni Esperanza Cruz, tauhan ng Orani fishport. Patuloy naman ang dating ng alimango na ayon sa mga mangingisda ay hindi nakalabas sa mga nasirang palaisdaan dahil mabagal ito at hindi tulad ng bangus na mabilis.

    “Mataas ng kaunti ang halaga ng alimango ngayon,” sabi ni Edwin Roman, crab dealer.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here