Home Opinion ‘In relation with CSFP disaster preparedness’

‘In relation with CSFP disaster preparedness’

603
0
SHARE

KAILAN MAN at bago sumapit ang Junio
ay preparado na itong San Fernando
kaakibat nitong tag-ulan at bagyo,
na ang kabuntot ay baha sigurado;

Iyan kaugnay ng ‘disaster preparedness’
ng lungsod, katuwang ang mga‘constituents,’
o ang ‘disaster-resilient communities’
na malampasan ang anumang panganib.

Dahilan na rin sa bago pa dumating
ang unos gaya ng malakas na hangin
at ulan, ya’y napaghandaan na rin
ng lahat ng mga kabarangay natin.

Partikular na r’yan nitong nasa gilid
lang ng mga sapa, imburnal, saka ‘creek’
at dating ilog na, ngayon ay kumitid
pero ang agos n’yan ay napakabilis.

At kaya lang tayo binabaha minsan
ay sanhi na rin ng walang patumanggang
pagtatapon ng basura sa daanan
ng tubig-ulan na madaling umapaw!

Napagtuunan na ng matamang pansin
ng ating sa ngayon ay nasa tungkulin
ang bagay na ito na imbes lumalim
pinatatapunan ng kasiyudad natin;

Na animo’y walang pakialam kung ano
ang kahihinatnan sa barangay mismo
at ng buong lungsod nitong San Fernando
ang may kakagawan ng problemang ito.

Isang malinaw na halimbawa itong
ating makikita sa ilog ay itong
sa dakong Kanluran o sa may Poblacion,
walang ‘water lily’ na lutang d’yan ngayon

Pero sa may ‘ENLES’ o parti raw yata
ng San Felipe (ba?) puno magkabila
ng ‘water lily’ ang ngayon naging sapa
na sa ubod babaw o luwang ika nga.

Iyan ang dating Ilog ng San Fernando,
na noong araw ang dumadaan dito,
malalaking Bangka, na tulad ng Casco
at ng naka-Balsa na mga tindero.

Mga malalaking kabibi maaring
sa ilog na ito madaling sisirin,
may matabang ulang at saka hipon din
sa kalaliman ang makakapa natin.

(Sa edad kong mahigit na ngayong otsenta
aking personal na nakita talaga,
kung gaano kaluwang ‘yan noong una
kaya alam ko ang tunay na istorya.

Na hayan, nang dahil sa kawalan natin
ng malasakit sa dapat pagyamanin,
ang gintong pamana ng Diyos sa atin,
ito ang nagiging kastilyong buhangin!)

Wala akong ninanais patamaan,
pero sana naman ang mga Kapitan
medyo bigyang pansin ang kapaligiran
na marapat nilang tingnan at bantayan.

Tayo rin naman at ang mga susunod
na saling-lipi ang mabigyan ng lubos
na ginhawa kung ang kaloob ng Diyos
ay di maglaho ‘yan nang sa unos!

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here