Home Uncategorized Illegal na pagawaan ng sigarilyo sinalakay; P1.2-B produkto, gamit nasamsam

Illegal na pagawaan ng sigarilyo sinalakay; P1.2-B produkto, gamit nasamsam

95
0
SHARE
Ang ilan sa mga nadiskubreng mga makina at mga finished product ng nga pekeng sigarilyo. Kuha ni Rommel Ramos

SAN RAFAEL, Bulacan — Sinalakay kaninang hatinggabi ng mga otoridad ang pabrika ng iligal na pagawaan ng sigarilyo sa Barangay Maronquillo at nasamsam ang P1.2-bilyong halaga ng mga produkto at kagamitan at pagkakaaresto sa isang Chinese national.

Ayon sa ulat ng Criminal Investigation and Detection Group-Anti-Fraud and Commercial Crimes Unit, ang inarestong Chinese national ay si Wu Qilong, na may mga alyas na “Ronald” at “Tony.”

Ang raid ay isinagawa sa pamamagitan ng pagpapatupad ng Bureau of Internal Revenue (BIR) Mission Order No. MS0201700024179 na may petsang Nobyembre 5, 2024 alinsunod sa mga probisyon ng Section 6(C) ng National Internal Revenue Code of 1997 at isinagawa ng mga operatiba ng CIDG, San Rafael Municipal Police Station, mga kinatawan mula sa BIR Revenue Region 5, Caloocan at sa pakikipag-ugnayan sa Central Luzon Police Office.

Sa inisyal na imbestigasyon, ang nasabing illegal cigarette manufacturing plant ay may production capacity na 12,900,000 sticks kada araw o 1,300 hanggang 1,500 master cases kada araw.

Kabilang sa mga nakumpiskang gamit ay ang production equipment na tinatayang nagkakahalaga ng P800 milyon, P400 milyon halaga ng hilaw na materyales, at finished product na nagkakahalaga ng P45 milyon na may kabuuang P1.245 bilyon.

Ang inventory-taking at seizure procedures ay isinagawa ng BIR revenue officers sa pamumuno ni Wrenolph Panganiban at sinaksihan nina Barangay Moranquillo kagawad Rosemarie dela Cruz at kagawad Victor Cruz Bagay.

Ang naarestong Chinese national ay nahaharap ngayon sa mga kaso ng mga paglabag sa RA 9208 (Anti-Trafficking in Persons Act of 2003) na inamyenda ng RA 10364 (Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2012).

Samantala, 155 na Pinoy na nagtatrabaho sa sinalakay na illegal factory ng mga sigarilyo na ito ang ibabalik sa kani-kanilang mga lugar sa Mindanao.

Ayon sa CIDG-AFCCU, lima ang mga babae at 150 ang mga lalake na inabutan nila nang salakayin ang nasabing pabrika na ngayon ay pinoproseso na ng Department of Social Welfare and Development ang pagpapabalik sa kani-kanilang mga lugar.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here