MALOLOS CITY – Sinalakay ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group-Bulacan ang isang ilegal na pagawaan ng paputok sa Barangay Pulong Buhangin, Sta. Maria nitong Miyerkules ng gabi.
Arestado ang suspek na si Meliton Gumasing at nakumpiska dito ang mga gamit sa paggawa ng mga paputok at mga finished products na nagkalahalaga ng P250,000.
Ayon sa Bulacan CIDG, sinalakay nila ang bahay ng suspek matapos makatanggap ng ulat na gumagawa ito ng mga paputok nang walang kaukulang permiso.
Pawang delikado anila ang operasyon ni Gumasing dahil halo-halo sa likod ng bahay nito ang mga sangkap sa paggawa ng paputok na maaring pagmulan ng pagsabog.
Bukod sa raw materials ay nakuha din kay Gumasing ang mga finished products ng five star, Judas belt at mga kwitis.
Aminado naman ang suspek na wala siyang kaukulang permiso sa kaniyang hanapbuhay.
Sasampahan ang suspek ng kasong paglabag sa Firecracker Law of the Philippines at paglabag sa Executive Order 28 ni Pangulong Duterte na nagreregula sa paggawa at paggamit ng mga paputok.