CALUMPIT, Bulacan (PIA) — Naikalso na ng Department of Public Works and Highways o DPWH ang concrete girders para sa ikaapat na linya ng Labangan Bridge 1 sa bayan ng Calumpit.
Ayon kay DPWH Bulacan First District Engineer Henry Alcantara, ito ang kumumpleto sa mga girders upang maipatong ang mga slab na lalatagan ng kalsada.
Nauna nang nalagyan ng girders ang magiging ikalawang linya sa northbound lane ng Labangan Bridge 1 na patungong Apalit sa Pampanga, at nasementuhan na rin bago lagyan ng aspalto.
Samantala, sinisimulan na ring ikabit ang mga slab sa magiging ikalawang linya ng southbound lane nito na patungo naman ng Malolos.
May halagang 100 milyong piso ang nasabing proyekto na target makumpleto bago matapos ang taon.
Ipinantay ang pinalapad na tulay sa kasalukuyang linya ng Manila North Road o McArthur Highway bilang paghahanda sa pagsisimula ng operasyon ng itinatayong Calumpit station ng North-South Commuter Railway Project Phase 2.
Ang Labangan Bridge 1 ang pinakahuling tulay sa kahabaan ng Manila North Road mula sa lungsod ng Meycauayan hanggang sa Calumpit. Taong 2002 nang pasimulan ng DPWH na laparan ang mga tulay ng Catmon sa Malolos, Meycauayan, at Labangan 7 sa Calumpit.
Sinundan ito ng pagpapalapad sa mga tulay ng Bunlo, Bocaue, at Labangan 2,3,4,5 at 6 sa Calumpit mula 2013 hanggang 2016 na pawang madadaanan sa Manila North Road.
Samantala, kinukumpleto na rin ng DPWH ang concrete reblocking sa mga sirang bahagi ng Manila North Road partikular na ang bahagi ng southbound service road ng Malolos crossing na nasa ilalim ng flyover na aabot ng 98 milyong piso. (MJSC/SFV-PIA-3)